Abante Tonite Interactive

Maraming Teddy Boy ang kailangan ng ‘Pinas

209

Nakakabilib naman itong si Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin Jr.
Siya kasi ang tipo ng opisyal ng gobyerno na papalag at kikibo kapag may nakita siyang palpak sa sistema.

Hindi uso sa mamang ito ‘yung yuyuko kahit mali. Hindi siya stereotype na yes sir, yes ma’am kahit mali.

Mabuti na lang at mayroon pang natitirang ganitong klase sa gobyerno. Kahit ba kopong-kopong na sistema pa ‘yan, buburahin niya kung kailangan at dapat na gawin.

Tulad na lang ng pagre-renew ng passport na kailangan pang magsumite ulit ng kopya ng birth certificate ang aplikante. Pinalagan ito ni Locsin. Ano nga bang klaseng sistema ito? Bakit kailangan pang magsumite ulit ang aplikante ng kopya ng kanyang birth certificate eh renewal na nga lang ang ina-apply?

Ang sabi ni Sec Teddy, hindi pa ba sapat na basehan yung expired na passport? Ilang beses nga namang kailangang patunayan ng aplikante sa Estado na siya ang nasa expired na passport?

Buti na lang at nahagip ni Secretary ang sistemang ito kaya mga antimano eh inutusan niya si assistant secretary Elmer Cato na areg­luhin ang kalakaran na ito.

Sa lahat ng mga transaksyon sa gobyerno o kahit sa private sector, kabilang ang pasaporte sa maaaring iprisinta para kilalanin at maayos ang mga dokumentong kailangan ng aplikante.

‘Yung expired na passport, may mga marka ‘yan na nagamit na ‘di po ba? At hindi yan mai-isyu sa aplikante kung hindi siya nagpakita ng birth certificate habang nag-a-apply ng pasaporte. Nakapag-produce na ng kopya ng birth certificate, dapat pa bang ulit-ulitin? Sa tuwing mage-expire ba ang passport, kaila­ngan mag-submit ulit ng birth certificate? Unli ganun?
Aba eh aksaya nga naman ito sa oras at pera ng aplikante.

Ito namang si Cato, todo-paliwanag pa sa mga burado na niyang tweet. Ang sabi niya, requirement daw talaga ang birth certificate para ma-capture ang additional data ng aplikante lalo na dun sa mga hindi pa dumaraan sa e-passport.

“Fact that they are holding a genuine go­vernment document is totally sufficient. What we are trying to do is play catch up with personal data while renewing passports. Can’t do two things at the same time,” ang buwelta naman dito ni Sec. Teddy.

Ang hirit pa ni Secretary, hindi naman prima facie evidence ang passport eh. Ang pasaporte ay conclusive evidence nga naman na ang aplikante ang nasa pasong passport kaya ‘wag nang pagurin pa ang aplikante at mag-aksaya ng oras sa panig naman ng gobyerno ha.

Minsan, dapat ay tinutuldukan na ang ilang sistema na walang kuwenta para makausad naman ang ‘Pinas.

Madalas, kailangang pairalin ang sentido kumon at hindi ‘yung nakagisnang sistema na alam naman nating sablay na. Isip-isip din po. Mabuti na lang, salamat na lang at nandiyan si Secretary Teddy.