Abante Tonite Interactive

Marawi Seige ginunita sa Mendiola ng mga militante

By
711

Kinondena ng militanteng grupo ang patuloy na pag-iral ng Martial Law sa Mindanao sa paggunita kahapon ng unang anibersaryo ng madugong pag-atake ng Maute Group sa Marawi.

Nabatid sa Manila Police District (MPD), aabot sa 200 raliyista na pa­wang miyembro ng mga grupong ­Bayan, Bayan Muna, Anakpawis at Anakbayan, ang nagmartsa patungo sa Mendiola mula sa University of Sto. Tomas (UST) sa España, Sampaloc, Maynila kahapon.

Iginiit ng mga grupo na bawiin na ang ipinatupad na Martial Law sa ­Mindanao na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagsisimula ng programa sa Mendiola, naglaan ang mga raliyista ng isang minutong katahimikan para sa mga taong namatay sa pag-atake sa Marawi.

Kahit mainit ang panahon, hindi natinag ang mga militante at ipinagpatuloy ang rally, at pagkondena sa anila’y nagaganap na paglabag sa karapatang pantao nang dahil sa pag-iral ng ­Martial Law.

Partikular umanong nakakaranas ng karahasan ng militar ang mga ­Lumad, Moro at iba pang katutubo.

Dahil sa protesta, bahagyang bumagal ang daloy ng trapiko sa kanto ng Legarda at Recto Avenue.

Bago magtanghali ay kusang nag-disperse ang mga raliyista.