Abante Tonite Interactive

Marcelino, titestigo laban kay De Lima

92

Nakahanda umano si Intelligence officer ­Marine Lieutenant Ferdinand Marcelino na tumestigo laban kay dating Secretary at ngayon Senator Leila De Lima kaugnay sa kasong drugs na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ).

Ito ang ibinulgar ni Public Attorney Office (PAO) chief Persida Acosta, abogado ni Marcelino.

“Anytime sabi niya he can testify. Pero kung ano ang ite-testify niya, hindi natin alam.

Abangan na lang natin ang mangyayari if the government will utilize him in the Bilibid drug case,” ayon kay Acosta.

Ang pahayag ay ­ginawa ni Acosta kasunod ng pagbasura ng DOJ sa kasong drugs laban kay Marcelino at sa asset nitong chinese na si Yan Shou.

Matatandaan na puma­yag noon si Marcelino na tumestigo sa pagdinig ng Kongreso kaugnay sa pagkalat ng droga sa National Bilibid Prison (NBP).

Samantala, iniutos na ng Manila Regional Trial Court ang pagpapalaya kay Marcelino matapos magpalabas si Manila RTC Branch 49 Presiding Judge Daniel Fernandez ng release order.

Kaagad din binitbit ni Acosta ang kopya ng release order at siya ay patungo na sa Camp Aguinaldo para ito ay iprisinta kay Armed Forces Chief of Staff General Eduardo Año.

Si Marcelino ay naka­kulong ng mahigit sa 100 araw sa detention facility ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.

Forgiveness ‘di vengeance

Inihayag kahapon ni Marcelino na sa ngayon ay wala pa sa isip nito na balikan o magsampa naman ng kontra demanda laban sa mga nag-akusa sa kanya kaya siya nakulong.

“Sa ngayon wala sa isip ko ‘yang gumanti o magharap ng kontra demanda sa mga responsa­ble sa pagkakakulong ko. Marami akong natutunan habang nakakulong, isa na ang pagpapatawad sa halip na gumanti,” wika ni Marcelino.