Abante Tonite Interactive

Marcelito pumiyok sa ‘pananabotahe’ ni Cowell

1,803

Dinumog si Marcelito Pomoy ng mga gustong magpapiktyur doon sa 57th birthday party ni Senator Jinggoy Estrada sa Emar Suites sa Shaw Boulevard nu’ng Monday night.

That time ay hindi pa alam kung nanalo si Marcelito sa grand finals ng “America’s Got Talent: The Champions”, pero sa resulta kahapon nang umaga ay naka-4th place lang siya.

Ang tinanghal na kampeon ay ang Mumbai-based dance crew na V.Unbeatable na nag-uwi ng premyong $20,000.

Itsurang nag-mini concert si Marcelito sa birthday party ni Sen. Jinggoy dahil walong songs ang kinanta niya kabilang na ang mga inawit niya sa “AGT” na “Beauty and the Beast”, “Time to Say Goodbye/Con Te Partiro” at “The Prayer”.

Nainterbyu namin saglit si Marcelito sa backstage at sabi nga niya, manalo-matalo ay proud siya bilang isang Pilipino dahil isang malaking karangalan na maging representative siya sa ibang bansa.

Sa tingin ba niya, nakarating kay Simon Cowell ‘yung hinaing ng mga Pinoy tungkol dito?

“Malamang naman siguro,” natatawang pakli ni Marcelito, na never daw nakausap si Simon tungkol sa isyu.

Na-bash nang todo ang nasabing “AGT” judge dahil ang sabi ni Marcelito ay ito ang pumili nu’ng kinanta niya sa finals na “Beauty and the Beast”, tapos nu’ng magkomento na ito ay inokray nito ang song choice niya.

Ano bang eksplanasyon doon?

“Ganito po kasi ang nangyari po no’. Actually, wala na po kasing time para ‘yung binigay kong kanta ay pipilian pa nila.

“‘Yung ibang songs kasi, hindi na masyadong naaprubahan kasi wala na talagang oras. And then that time, parang hindi naman as in si Simon talaga ang umano (pumili) ng kanta,

“Kumbaga, ‘yung crew niya ang nagbabase sa sinasabi ni Simon na para maiba naman. Parang gano’n po”.

So, may kinalaman pa rin si Simon, ‘di ba?

“Opo, siyempre”.

Ayun na nga. So, ang sinasabi ng iba ay parang sinadya talaga ‘yon para hindi siya manalo.

“Ewan ko, no comment na ako diyan,” natatawang iwas ng grand winner ng “PGT” season 2.

Ayon kay Marcelito, kung siya ang pipili ng kakantahin niya ay “We Are the World” sana ang gusto niya, na may iba’t ibang boses.

Ang laging comment sa kanya ni Simon ay magkakaroon daw siya ng massive career internationally dahil sa talentong ipinakita niya sa “AGT”.

Ano nga kaya ang naghihintay sa kanya abroad pagkatapos ng bonggang exposure niya na ‘yon sa Amerika?

“Actually, kahit nu’ng nag-uumpisa pa lang ako mag-audition, marami nang international na kumukuha talaga sa akin.

“Actually, napakalaking tulong din po sa akin nitong ‘AGT’ dahil kung hindi dahil sa kanila at hindi po ako nakilala, siguro wala ako.

“Pero ngayon, nakilala talaga ako sa buong mundo. Ang dami-daming blessings na dumating sa akin ngayon. Pasalamat pa rin ako.

“No matter what happens man sa akin sa ‘AGT’, pasalamat pa rin ako.
Kasi, kung hindi nangyari ito, hindi ako makikilala sa mundo”.

So, pipiliin niya mula sa mga offer na ‘yon kung anong pinakagusto niya?

“Yes. Hopefully, sana matuloy. This coming September, inimbita nila ako ulit para mag-perform para du’n sa hindi ko alam kung anong klaseng event. Not sure pa”.

Ah, so invited siya ulit sa US?

“Opo. Sa September, sana matuloy. Parang ganu’n din po yata (sa “AGT”), parang talent show din po”.