Abante Tonite Interactive

Marcelito tinayuan sa ‘America’s Got Talent’

0 728

Top trending topic naman kahapon si Marcelito Pomoy dahil napahanga niya ang mga hurado ng “America’s Got Talent: The Champions”.

Bale 9 years late na na-discover nina “AGT” judge Simon Cowell and company ang pambihirang singing talent ni Marcelito dahil 2011 pa nu’ng tanghalin siyang champion sa “Pilipinas Got Talent” Season 2.

‘Yun kasi ang format ng “AGT: The Champions”, naglalaban-laban ang winners, finalists, live round participants at iba pang naging bahagi ng “AGT” franchise worldwide at doon pipiliin ang mananalo na tatanghaling World Champion.

Ipinarinig ni Marcelito ang bonggang duet version niya ng “The Prayer” na parehong boses ng lalaki at babae ang maririnig sa kanya.

Bilib na bilib sa kanya ang judges na sina Simon, Heidi Klum, Howie Mandel at Alesha Dixon, na ngayon lang daw nakarinig ng gano’n.

Kasama ni Marcelito ang misis niyang si Joan na kasabay niyang ipinakilala sa stage. May drama ang backstory ni Marcelito na binalikan niya ang panahong mahirap pa ang buhay niya at wala siyang pamilya, na nabuo lang nu’ng sumali siya sa “PGT”.

Kakaiba o novelty ang talent ng 35-anyos na singer para sa foreign audience kaya hindi lang mga hurado ang napatayo niya kundi pati ang crowd na nanood ng audition niya.

Hindi nabigyan ng Golden Buzzer si Marcelito pero dahil sa malakas na suporta ng ‘superfans’ ng show ay nag-advance siya sa semifinals.

Angel to the rescue sa mga sinalanta

Tuwing may sakuna at trahedya ay palagi talagang maaasahan si Angel Locsin.

Nu’ng Lunes ng gabi ay nag-trending na naman si Angel at ang ‘Darna’ sa Twitter PH dahil sa tanong niya kung anong mga kailangan sa Taal at kung anu-anong mga barangay ang apektado roon at kung ilang pamilya.

Mabilis naman na sumagot ang concerned netizens at inisa-isa ang evacuation centers doon sa Batangas, pati na ang iba’t ibang organisasyon na nangongolekta ng donasyon.

Agad ding pinuri ng netizens ang pagiging matulungin at bukas-palad ni Angel na maituturing daw talagang isang real-life Darna.

Actually, para nang government official ang 34-anyos na Kapamilya actress dahil automatic na ang ginagawa niyang pagtulong sa tuwing may kalamidad na nagaganap sa bansa.

Itsura ng may sariling relief agency si Angel na dagliang tumutugon sa ating mga kababayan na nangangailangan.

Kaya naman deserved na deserved niya talaga ‘yung pagkilala sa kanya ng Forbes magazine last year bilang isa sa mga bayaning pilantropo ng Asya.

Nabanggit din ni Angel sa kanyang IG Stories kahapon ang ginagawang pagtulong ng PAWS (Philippine Animal Welfare Society) sa mga hayop doon sa malapit sa may Taal volcano na meron ding sariling relief operations.

Ang dami rin kasing kawawang mga hayop na naapektuhan ng pagputok ng bulkan at puwede ring magpadala ng goods at cash donations sa mga ito sa pamamagitan ng PAWS.

Inisa-isa rin ni Angel kung anu-anong klaseng food items ang dapat ipadala sa mga apektadong pamilya sa Taal, pati na ang laman ng mga hygiene kit, tapos ay pina-drop off niya ang mga ‘yon sa may Serendra sa BGC under her real name, Angelica Colmenares.

Hanggang kagabi lang ang pagtanggap ni Angel ng mga donasyon sa ibinigay niyang address, so malamang ngayong araw na ito ay pupunta na ng Batangas ang grupo niya para personal na mamahagi ng tulong.

Nu’ng may giyera sa Mindanao ay nakarating si Angel hanggang sa Marawi nang hindi natatakot for her own safety.

So, hindi malayong sumugod siya sa Taal para siya mismo ang mangasiwa sa gagawin nilang relief operations doon.

Iba ka, Angel! PAK!!