Abante Tonite Interactive

Marcial ‘di pa kumbinsido: Abueva suspendido pa rin

463

Hindi pa rin makababalik sa playing court si Calvin ‘The Beast’ Abueva para sa Phoenix Pulse sa 45th Philipine Basketball Association (PBA) Philippine Cup 2020 na sasambulat sa Marso 8.

Ayon kay PBA Commissioner Wilfrido ‘Willie’ Marcial, may kailangan pang gawin si Abueva para tuluyang ma-lift ang kanyang suspension sa pro league.

“Nag-uusap kami. May pinag-uusapan pa kami. May pinapagawa pa ako,” ayon sa league commissioner sa press conference sa Conrad Hotel sa Pasay kahapon.

Pinayagan na mag-ensayo si Abueva para sa Fuel Masters simula pa noong Setyembre, ngunit pinagbabawalan pa sa mga tune-up game kontra sa ibang PBA team.

“Kapag naayos agad ‘yun at okay na, ie-elevate ko sa board kung ano ang recommendation ko,” saad pa ni Marcial.

Pinagmulta ng P70,000 at na-ban si Calvin sa liga nang kanyang iclothesline si TNT import Terrence Jones sa Commissioner’s Cup noong Hunyo, at sa pambabastos kay Maika Reyes, girlfriend ni TNT guard Bobby Ray Parks Jr. (Ray Mark Patriarca)