Abante Tonite Interactive

Marcial may ‘best actor’ award sa Finals

0 376

Jones pabebe

‘Di nawawala sa usapan ng kasalukuyang sumisiklab na PBA Commissioner’s Cup Finals ng San Miguel Beer at TNT ang flopping at floppers.

Sino ang totoong nasagi at na-foul? Sino ang nahagingan lang at nadaanan ng hangin ay bumagsak na?

Si Commissioner Willie Marcial, nakapagbiro na ngang magbibigay siya ng ‘best actor’ award sa magaling umarte na sumasadsad kahit walang contact.

Tabla ang best-of-seven series sa 2-2, sa apat na laro ay kita naman ang physical defense.

Sa mga kontakan, madalas bida sina KaTropa import Terrence Jones at Beermen Chris Ross, Arwind Santos at Christian Standhardinger. Pumutok na nga ang labi ni Ross, na-headbutt pa siya – lahat galing kay Jones.

May mga napagmulta na rin tulad nina RR Pogoy ng TNT at Standhardinger. Pero mas kinukulambuan ng Beermen si Jones, inuurot bawat laro.
Madalas nag-iinit si Jones at napagmulta na ng P20,000 sa headbutt kay Ross sa Game 3.

Ayon sa isang source, ilang beses na ring napagmulta ang dating mi­yembro ng Houston Rockets dahil sa pag-arte.

“Si Jones, at least tatlong beses namultahan dahil sa flopping,” anang insider. “Si Ross, isa pero ‘di lang siya, marami na sila.”

Iginiit ni Marcial na given na ang trash talking, taunting at mind games sa finals series. Lahat, gustong manalo.

Pero may warning siya na may kaakibat din itong penalties. Pinakamatinding parusa ang inilalaan sa floppers.

“Maaaring ‘di mahuli ng referee sa actual play, pero ‘di sila p’wedeng lumusot sa review,” paniniguro ng Commissioner.

‘Di naman aniya agad na nanga­ngahulugan ng multa. (Vladi ­Eduarte)