Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Marcial, PBA bubble panalo vs COVID-19

0 208

Nagbukas ang PBA Season 45 ng March 8, pero makalipas ang tatlong araw ay biglaang nagpatawag ng press conference si Commissioner Willie Marcial.

Ang balita: Tigil ang mga laro dahil nagsisimula nang manalasa ang coronavirus pandemic.

Makalipas ang limang buwan, nagkalinaw ang posibilidad na maibalik ang mga laro. Pinayagan ng IATF ang five-on-five basketball, ikinasa ang Pampanga bubble.

Huling mga araw ng September, nagsimulang pumasok sa Quest Hotel sa Clark ang delegasyon at naibalik ang mga laro ng Oct. 11.

Nameligrong pumutok ang bubble nang mapaulat na may nag-positive sa testing. May kinailangang i-isolate. Nakahinga nang maluwag ang lahat nang makumpirmang false-positive ang kaso.

Kalagitnaan ng bubble, naglatag ng mas mahigpit na protocols ang IATF.

Si Marcial ang nasa unahan ng bubble.

“Mahirap gawin itong bubble. Pero dahil sa inyo (media), sa players, nabuo natin,” pahayag noon ng Commissioner. “May kasamang dasal, suwerte, ang nangyari sa point A papuntang point B.”

SM food to go Banner Ad

Pinakamahalagang ingredient ng tagumpay na bubble?

“’Nung kinausap ko sila (players), hiningi ko kooperasyon nila,” lahad ni Kume. “So, communication between them was very important. ‘Yun ang dahilan kaya successful tayo.”

Tinalo ng Ginebra ang TNT sa limang laro para mag-kampeon sa all-Filipino noong Dec. 9.

Ano ang unang ginawa ng delegasyon paglabas ng bubble?

“Dinala ko lahat ng delegates sa simbahan. Nagdasal kami, nagpasalamat. Gusto ko sana mag-misa pagkatapos ng finals, hindi naman namin alam kung kailan matatapos,” wika ni Marcial.

Hindi pa tapos ang banta ng COVID-19, paano ang Season 46?

“Mag-start tayo ng April 9. Philippine Cup lang muna, tignan natin ang sitwasyon,” lahad ni Marcial.

Dedesiyunan pa rin kung sa bubble muli ang torneo, o kung magtatayo ng semi-bubble concept.

Kung huhupa na ang pandemic at magkaroon ng epektibong vaccine, magkakaroon ng midseason Commissioner’s Cup at season-ending Governors Cup. (Vladi Eduarte)

Leave A Reply

Your email address will not be published.