Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Marcos vs Kennon

0 152

Lumang kuwento na ang dating matagal at mabagal na biyahe paakyat ng Baguio para sa mga magmumula ng Metro Manila at mga kalapit na lugar kung ang pag-uusapan lamang din naman ay ang rutang mula NCR o kahit pa Laguna at Cavite dahil natapos na ang Skyway na dagdag na ginhawa matapos maunang madaanan ang Pangasinan-La Union segment ng TPLEX.

Sa mga motorista kasing marunong magpirmi sa 100 kms habang nasa loob ng NLEX, SCTEX at TPLEX, kayang kaya na nilang makarating sa Rosario, La Union exit sa loob lamang ng halos o mahigit sa 2 oras na biyahe, kasama na ang isang tigil para mag-CR.

Sa mapipiling daan na lamang paakyat ng Baguio City magkakatalo, lalo na sa mga medyo baguhan pa lamang nagmamaneho at hindi masyadong kabisado ang mga kalsada paahon.

Ang Rosario exit ay nagsisilbing bunganga ng dalawang mapagpipiliang ruta paakyat ng Baguio City, ang una ay ang Marcos Highway na dadaanan sa bayan ng Pugo, La Union at ang pangalawa ay ang via Kennon Road.

Kaya ang kadalasang tanong ay Marcos ba o Kennon ang rutang pipiliin paakyat.

Karaniwan na lamang na ang pagpapasya ay nauuwi sa pagtahak ng Marcos Highway na mas mahaba kumpara sa Kennon.

Ang sabi ng mga nakakausap kong baguhan lamang sa pag-akyat sa Baguio ay mas praktikal at ligtas dumaan sa Marcos Highway dahil mas malapad ito at hindi masyadong baliko ang mga kurbada kung ikukumpara sa Kennon.

May katuwiran naman sila, pero ang hindi nila naiisip, sa kalsadang ‘yan din dumadaan ang mga mababagal na trak, mga bus at iba pang malalaking behikulo na nagsisilbing sakit ng ulo sa mga sumusunod sa kanila dahil sa mabagal nila takbo.

SM food to go Banner Ad

Kung ang mga beterano naman na sa pag-akyat-manaog sa Baguio City naman ang pagkukuwentuhin, hindi ka natatapos magtanong ay agad nilang sasabihin ang mga katagang “siyempre Kennon!”

At kung bakit Kennon?

Makikisagot na rin ako sa tanong na ‘yan.

Unang-una, mas maiksi ang Kennon, mas madali kang makakapanhik ng Baguio City at siyempre madadaaanan mo pa ang ulo ng sikat na leon na ngayon ay tila nabanlag na, biru-biruan nga na kaya daw nagkaganyan ang mata niyan ay dahil sa tama ng flash ng mga nagpapalitrato pagstop-over.

Bukod sa maiksi, marami ka pang opsiyon para maiwasan ang matinding traffic papasok ng city proper dahil puwede mong magamit ang dalawang lansangan na pareho ring hahantong sa mga pasyalan.

Ang mga lansangan na ito ay ang Loakan Road at Military Cut-off na parehong hahantong sa Baguio Country Club at Camp John Hay at sa pamosong Philippine Military Academy.

Bentaheng bentahe ito kumpara sa mga gumagamit ng Marcos Highway dahil bago sila makarating sa nabanggit na dalawang pasyalan at tuluyan, dadaaanan muna nila ang matinding traffic sa downtown Baguio.

Bagama’t hindi pa praktikal umakyat sa mga panahong ito sa Baguio City dahil sa karagdagang gastos para sa COVID tests, puwede nang pag-aralan ng mga nagbabalak ang ruta na aking binanggit upang pagkatapos bakunahan ay puwede nang masubukan.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.