Abante Tonite Interactive

Marian ‘di pa kakayod sa July

0 526

Mula season 1 ng “StarStruck” ay si Dingdong Dantes na ang host ng nasabing reality-based artista search at hanggang ngayon, sa pinakabagong season.

Kaya naman nasaksihan niya at nasubaybayan ang lahat ng karera ng mga nanalo magmula kina Jennylyn Mercado at Mark Herras na pinaka-unang Ultimate Female and Male Survivor hanggang kina Migo Adecer at Klea Pineda ng Season 6.

Ngayon ay nasa Season 7 na ang “Starstruck” at si Jennylyn na ang kasama ni Dong na magho-host.

Ayon nga kay Dong sa ginanap na presscon ng “Starstruck 7” last Monday, nakita niya from the start ang improvement ni Jennylyn at ang dedikasyon nito sa trabaho. Puring-puri niya ang Kapuso Ultimate Star dahil talaga naman daw consistent ang aktres sa commitment nito sa mga roles na ina-assign dito.

Ayaw pang kumpirmahin ni Dong kung si Jen na ba talaga ang magiging leading lady niya sa “Descendants of the Sun.”

“Hindi ko po masagot ‘yan, eh. Ang GMA-7 po ang makapagsasabi niyan,” aniya.

Ang masasabi lang daw niya ay soon na sila magsisimula ng taping nito.

Sa ngayon ay siya raw muna talaga ang magtatrabaho dahil naka-focus pa ang misis niyang si Marian Rivera sa pag-aalaga ng bagong baby nilang si Sixto.

Hindi raw totoo ang tsismis na sa July na magbabalik-trabaho si Marian.

“Hindi sa July. Hindi ko pa masabi kung kelan. Siguro, ine-enjoy pa niya ‘yung early stages ni Sixto, ‘di ba?

“Kung may choice rin naman ako, ako rin, eh, hindi rin ako aalis ng bahay. Pero sabi ko, ‘ako na munang bahalang magtrabaho para sa atin, relax ka lang diyan,’” sabi ni Dong.

Natanong din ang aktor kung kailan bibinyagan si Sixto at aniya ay malapit na raw. Pero ang mauuna raw ay ang binyag ng second baby nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati na dadaluhan nila dahil siya raw ang ninong.

Samantala, magsisimula na ngayong Sabado (June 15) ang “Starstruck 7” kung saan ay 11 girls and 11 boys ang maglalaban-laban para maging next Ultimate Female and Male Survivor.

Sina Heart Evangelista, Jose Manalo at Cherie Gil naman ang magsisilbing StartStruck Council this season. Join din si Kyline Alcantara bilang StarStruck Insider sa “Inside StarStruck”, online show nito, na nag-premier na last Monday, June 10 at napapanood every Monday to Friday, 6 pm.
***

Heart pinagtanggol si Jose

Ipinagtanggol naman ni Heart ang co-judge na si Jose sa mga nagsasabing wala siyang karapatan na maupo as Starstruck Council dahil isa siyang komedyante.

Ayon kay Heart ay napakahirap rin daw maging komedyante.

“Sobrang hirap maging komed-yante. It’s really something that innate and I think, for him to be a judge, he’s perfect. Because hindi biro ‘yung ginagawa niya everyday,” sabi ni Heart.

Ayon naman kay Jose, hindi naman daw niya inilalagay sa kukote niya na judge siya at pinili siya dahil karapat-dapat siya.

“Hindi ko po nilalagay sa ulo ko ‘yun, kaya kung ano ang marinig ko sa kanila, hindi naman masakit,” sey ni Jose.

Hindi raw niya pinoproblema ang mga pangba-bash sa kanya.

“Wala akong Facebook, wala akong social media, para hindi nag-iinit ang ulo ko,” aniya.

“Ang dami ko na ngang problema, poproblemahin ko ba sila? So ‘yung mga taong ganu’n, siguro naghahanap lang sila ng atensyon sa buhay. Sabi nga, ‘pag meron kang problema sa buhay mo, pilit mong ibinabato sa ibang tao para mapagtakpan.

“‘Yun ang pinakamahirap sa tao, ‘yung tanggapin mo ang pagkakamali,” aniya.