Abante Tonite Interactive

Maricel luhaan kay Lorna

By
4,597

Matagumpay ang premiere night ng digitally restored film na ‘Ikaw Pa Lang Ang Minahal’, na ginanap sa Trinoma, Cinema 7 nung Wednesday ng gabi. Ang nasabing pelikula ay ipinalabas noong June 14, 1992. Dumalo sa premiere night ang bida sa pelikula na si Maricel Soriano. Pero ang leading man niya na si Richard Gomez ay hindi nakarating dahil may previous commitment ito.

Namataan namin dun ang direktor ng pelikula na si Carlitos Siguion-Reyna, kasama ang misis niyang si Bibeth Orteza at kanilang anak na si Rafa. Present din sa premiere night ang da­ting aktres na si Guia Alvarez, na gumanap bilang batang Maricel. Nandun din ang screenwriter ng pelikula na si Raquel Villavicencio, Ryan Cayabyab, ang musical scorer ng pelikula, dating singer na si Richard Reynoso, na kasali rin sa pelikula, pero sa isang eksena lang, sa party scene.

Ang dating manager ni Maricel na si Manny Valera ay nandun din. Dumalo rin sa premiere night ang National Artist for Literature na si Bienvenido Limbera.

Ang makeup artist ni Maricel mula nung teenager pa siya na si James Cooper ay present din. Ang beteranang aktres na si Nova Villa, na kaibigan ng Diamond star for a long time ay nandun din.
Bago ang premiere night ay pinagsalita ang ilan sa bumubuo ng pelikula na present dun. Pero siyempre, huling nagsalita ay si Maricel. Bahagi ng kanyang speech, “Alam ninyo, isa ito (Ikaw Pa Lang Ang Minahal), sa mga pinakapaborito kong pelikula, na ginawa. ‘Yun nga lang, hindi ako nanalo.

Pero okey lang po. Dahil dun sa mga ganung pangyayari, mas lalo akong ginanahang gumawa ng pelikula. Hindi naman kasi puwedeng lahat na sa’yo ‘di ba? Kaya okey lang po ‘yun.”

For the record, ang sinasabi ni Maricel na hindi siya nanalo ay nung na-nominate siya for Best Actress sa iba’t ibang award-giving bodies para sa performance niya sa ‘Ikaw Pa Lang Ang Minahal’ pero wala siyang nakuha ni isang best actress trophy.

Si Lorna Tolentino, na nakalaban niya sa parehong kategorya ang siyang nagwaging Best Actress. Tinanghal siyang Grand Slam Queen, dahil win siya sa lahat ng award-giving bodies. Pero sabi nga ni Maricel, okey lang ‘yun. Ibig sabihin, sport siyang tao, na marunong siyang tumanggap ng pagkatalo.