Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Marikina bakwit nagpositibo sa COVID

0 229

Kumikilos na ang pamahalaang lokal sa Marikina City para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mahigit 15,000 katao na nasa mga evacuation center pa matapos na magpositibo ang isang senior citizen na bakwit sa Barangka Elementary School.

Kinumpirma ni Mayor Marcy Teodoro na nagpositibo sa COVID ang 68-anyos na matandang lalaki habang nasa 13 evacuee pa ang kanyang nakasalamuha base sa ulat ng contact tracing team.

Ayon kay Teodoro, may comorbidity o iba pang kondisyon sa kalusugan ang matanda na dinapuan ng COVID.

“Tinest din natin ang kanyang limang family members, at mabuti naman na ang lumabas sa PCR testing ay negative lahat; iyong asawa niya na 62 years old at ang tatlong anak niya,” dagdag ni Teodoro.

Negatibo rin umano ang 13 katao na nakasalamuha ng matanda sa evacuation center.

“Lahat ng mga nakasalamuha niya at nakasama niya sa evacuation center batay dun sa contact tracing na 13 katao ay negative naman,” ayon pa sa alkalde.

Kasalukuyang sumasailalim na umano ang matanda sa 14 araw na quarantine.

Isasailalim din aniya sa rapid test lahat ng mga nasa evacuation center.

“Gagawin natin itong [rapid testing] sa lahat ng evacuation center natin simultaneously at on a regular basis,” ayon pa kay Teodoro.

Nabatid na mayroong 190 contact tracer na naka-monitor ngayon sa mga evacuation center sa Marikina para pigilan ang pagkalat ng COVID sa mga bakwit. (Vick Aquino/Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.