Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Markado ang DPWH ni Mark Villar

0 139

Matapos ang PhilHealth, sunod kayang isasalang mga tropapips sa “ihawan” ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos maglabas ng pagkadismaya si President Mayor Digong Duterte na talamak pa rin ang korupsiyon sa ahensiyang pinamumunuan ni Secretary Mark Villar.

Pero ngayon pa lang mga tropapips, nililinaw natin na walang binanggit ang pangulo na nagsasabing sangkot si Villar sa kung anumang kabulastugan na nangyayari sa kaniyang ahensiya. Pero magsagawa kaya ng imbestigasyon ang Presidential Anti-Corruption Commission?

May tinatawag mga tropapis na “command responsibility,” na kung may kalokohan sa balwarte mo at walang kang ginawa para tanggalin, aba’y puwedeng isipin na kinukonsinti mo ang kalokohan o napapaikutan ka kaya maituturing inutil ka.

Sa laki ng pondo ng DPWH at dami ng proyekto, hindi talaga maiaalis na may mga opisyal at maging mga mambabatas na maglaway sa delihensiya. Katunayan sa 2021, aba’y tumatagingting na P667.3 bilyon ang pondo ng DPWH na inaprubahan sa Kamara de Representantes, na tiyak na bubusisiin ng Senado.

Ang pondo ng DPWH ang pangalawa (sunod sa Department of Education) sa may pinakamalaking alokasyon sa P4.5 trilyon na panukalang badget ng pamahalaan sa 2021. Ngayon pa lang, may mga nasisilip na ang mga senador na kuwestiyunableng “lump sum” na alokasyon sa DPWH.

Ibig sabihin mga tropapips, may nakahandang pondo ang DPWH pero walang direkta o partikular na proyektong o lugar na paglalagyan. Para bang naglaan ng pera na pambili ng pagkain pero hindi naman sinabi kung anong uri ng pagkain at sino ang kakain.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kaya kung isa kang mambabatas na gustong “kumain,” puwede kang manghingi ng pambili ng pagkain. At kung mahusay si mambabatas, bago siya pa ang magturo kung “saan” o “kanino” bibili ng pagkain para “makasipa siya nang paatras.”

Ang tanong, kanino hihingi si mambabatas ng “pagkain”? Sabi ng ilang kurimaw natin na dating istambay sa labas ng Batasan, isa iyan sa dahilan ng away sa liderato ng Kamara.
Nasa Kamara kasi ang tinatawag na “power of the purse” sa gobyerno dahil sila ang unang naghihimay sa pondong isinusumite ng mga ahensiya ng pamahalaan. Kung chika-chika ng mga opisyal ang mga lider sa Kamara, aba’y aprub kaagad ang hinihingi nilang pondo.

Pero kung hindi naman ma-chika ang opisyal ng gobyerno, malamang matagalan ang pagtalakay sa hinihingi niyang badget at baka makaltasan pa. Pero kung may mga mambabatas na nakikitang puwedeng pakinabangan ang ahensiya dahil maaari silang magmungkahi o manghingi ng proyekto para sa “kapakanan” ng kanilang distrito, dito na magkakaroon ng chikahan ang mga mambabatas at opisyal.

Gaya sa DPWH, aba’y tiyak na puputaktihin ng pakiusap ng mga mambabatas ang ahensiya tungkol sa kung anu-anong proyekto’– mapa-kalsada man ‘yan o gusali. At siyempre, ang mga lider ng Kamara ang may kapangyarihan na magdikta kung sino sa kanilang mga kasama sa kapulungan ang puwedeng “ipakiusap” sa DPWH na bigyan ng “pagkain.”

Tanong ng mga kurimaw natin, may nasilip kaya ang kampo ni Speaker Lord Allan Velasco na mga “kontrobersiyal” na alokasyon sa DPWH na iniuugnay noon kay dating Speaker Alan Peter Cayetano at mga kapanalig niya? At kung mayroon man, ano kaya ang ginawa nina Velasco sa pondo?

Bagaman sinasabi ng Palasyo na buo pa rin naman ang tiwala ng pangulo kay Sec. Villar, aba’y dapat maging panggising sa kaniya ang naging pahayag ng pangulo para magpakitang-gilis sa paglaban sa katiwalian sa kaniyang ahensiya.

Hindi sapat na natatapos niya ang mga proyekto. Dapat tugunan din niya ang reklamo ng pangulo tungkol sa korapsiyon. Gaya halimbawa ng nangyari sa Brazil na walang pinipili at kahit senador na kurap daw eh ipina-raid ang bahay at may nakitang pera na nakasiksik sa pagitan ng dalawang pisngi ng kaniyang puwet. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.