Abante Tonite Interactive

Martin ‘di takot ma-typecast sa bading role

451
NI: ROMMEL PLACENTE

Produkto ng artista search na “StarStruck” ng GMA-7 si Martin Escudero. Siya at si Kris Bernal ang tinanghal na Ultimate Loveteam sa StarStruck Batch 4. After winning, naging contract star sila ng Kapuso network. Marami silang serye na ginawa rito. Pero nu’ng umalis si Martin sa pangangalaga ng dati niyang mana­ger na si Popoy Caritativo, nag-decide na rin siyang umalis sa Siyete, lumipat siya sa TV5. Sa guesting ni Martin sa online show namin nina Mildred Bacud at Rodel Fernando na “Showbiz Pamore Tonite” ng Abante Tonite, sinabi niya na nagkita na ulit sila ni Kris after a long time, mula nang umalis siya sa nasabing istasyon.

Abante Hiring – IT dep

“Nu’ng nagkita kami ulit, nu’ng nag-partner kami sa ‘Maynila’ (drama anthology ng GMA-7), halo-halong emotions ang naramdaman ko. Siyempre natuwa ako, na-excite na kinabahan, matagal kasi kami na hindi umarte na magkasama,” sabi ni Martin.

Originally, sa ABS-CBN 2 nagsi­mula si Martin. Kaya lang napunta siya sa Siyete dahil sumali siya sa “StarStruck”. Pero dahil maganda naman ang ginawa niyang pagpapaalam noon sa GMA-7, nagkausap sila nang maayos, kaya kinukuha pa rin siya para mag-guest sa mga show nito.

“Sinabi rin naman nila na kung gusto kong bumalik, puwede pa rin akong bumalik.”

Sa ngayon ay si Becky Aguila ang tumata­yong manager ni Martin. Ikinuwento niya kung paano siyang napunta kay Becky, na siya ring personal manager ni Jennylyn Mercado.

“Kasi itong kay Tita Becky, hindi ko talaga inaasahan na siya ang magiging manager ko, hulog siya sa akin ng langit. Nanood lang ako ng premiere night ng pelikula ng isa kong kaibigan, tapos kumain kami, nagkakuwentuhan. Sabi niya, alaga siya ni Tita Becky. Bakit hindi ko raw i-try na magpa-manage din kay Tita Becky. So, sabi ko, sige i-try natin. Nagkataon naman kasi na naghahanap din ako ng bagong manager that time.”
Bakit hindi niya sinubukang magpa-manage ulit kay Popoy?

“Una sa lahat, hindi na kasi kami nagkita after kong umalis sa kanya. Wala na kaming communication. Hindi ko rin alam kung tatanggapin pa niya ako ulit, kung magpapa-manage ulit ako sa kanya.”

Kung sakaling magkita sila sa isang lugar ni Popoy, ano ang una niyang sasabihin dito?

“Na-miss kita, Tito Popoy!” ang natatawang sagot ni Martin.

Ate ang turing kay Marian

Si Marian Rivera ay dati ring alaga ni Popoy. Naging close si Martin kay Marian, dahil magkasama sila noon sa iisang management. Nu’ng umalis si Marian sa pangangalaga ni Popoy ay nagpa-manage siya kay Rams David. Kahit may kanya-kanya nang manager, ay may communication pa rin sina Martin at Marian.
“Hindi na naman mawawala ‘yun (communication nila ni Marian). Kasi parang ate ko na siya.”

Gustong makatrabaho si Coco

Marami nang nakatrabahong artista si Martin. Sino pa ba ‘yung gusto niyang makatrabaho?

“Gusto kong makatrabaho si Coco (Martin) sa telebisyon. Sana mapagbigyan tayo, sana mabigyan tayo ng pagkakataon. Sa babae naman, lagi kong sinasabi, magagaling itong mga artistang ito, sina Erich Gonzales at Kim Chiu. Kaya gusto ko rin silang makatrabaho.”

Sa launching movie ni Martin na “Zombadings: Patayin sa Syokot si Remington”, ay gumanap siya rito bilang isang bading. At hindi lang ‘yun ang unang pagkakataon na gumanap siyang bading, nasundan ‘yun sa ilang pelikula na ginawa niya tulad ng “That Thing Called Tanga Na”. Kung sakaling may ­offer ulit na bading role kay Martin ay tatanggapin niya ito ulit. Hindi siya natatakot ma-typecast sa ganitong klase ng role.

“Ang pagganap naman kasi sa karak­ter ng bading ay napakalawak. Hindi naman siya stereotype na,” deklara niya.
Speaking of bading, nakatanggap na ba siya ng indecent proposal mula sa mga ito?

“Siguro nu’ng teenager pa ako, nu’ng nagsisimula pa lang ako sa showbiz, at nu’ng napunta ako sa StarStruck, may mga bading na nagti-text sa akin, nagpaparamdam sila. Pero sinasabi ko sa kanila na hanggang pakikipagkaibigan lang ang puwede kong ibigay sa kanila.”

Mahusay na aktor si Martin. Saan ba siya humuhugot ng emosyon sa pag-arte?

“Isang importanteng bagay, ‘yung experience mo sa buhay, eh. Kung minsan kasi, sa mga karanasan mo sa buhay, kung paano mo ilalagay ‘yung sarili mo sa karakter. E ako naman, laking kalye rin naman ako, marami rin akong hirap na pinagdaanan sa buhay, kaya isa ‘yun siguro sa masasabi kong naka­tulong sa akin para maging isang mahusay na aktor. Pangalawa, matagal na rin naman ako sa showbiz, matagal na akong umaarte, may sarili akong style na ginagamit. At importante, pinag-aaralan mo ‘yung karakter mo.”

Pangarap maging ‘rapist’

Ano ba ang dream role niya?

“Gusto kong gumanap na isang rapist. Gusto kong subukan ‘yung ganu’ng role,” sagot ni Martin.
Samantala, may non-showbiz girlfriend si Martin, na isang modelo, si Aiza Faeldonia na taga-Davao. Bakit non-showbiz ang pinili niyang maging girlfriend?

“Siguro, siya lang ang binigay sa akin ng Diyos. Hindi naman natin alam kung kanino titibok ang puso natin, kung sino ang mamahalin natin. Nagkataon na hindi taga-showbiz ‘yung nagustuhan at minahal ko.”

Ryan type si Liza Soberano

NI: MILDRED BACUD

Lumaki at namulat sa bansang Ukraine ang international ­mo­del na si Ryan Kolton. May dugong Spanish, American at Pinoy pero malapit sa puso niya ang Pilipinas kaya naman dito niya binibigyan ng pagkakataon ang kanyang career. Sa guesting niya sa “Showbiz Pamore Tonite”, online show ng Abante Tonite, ay kinuwento niya kung paano dinala ng kapalaran ang kanyang mga paa sa ‘Pinas.

“Originally I am an ­actor based in the US. I worked in Los Angeles, New York. I worked in CSI but now I’m transitioning to Philippine market.

“It started with my grandma’s story. I grew up with a lot of romantic stories in the Philippines. I real­ly love it here. When I finished my contract with the show I had great offer here which I cannot refuse. In the last two months I am lucky ‘cause I have a lot of fans. They’re very warm and accepting. One project to another. I’m blessed.”

Malaki raw ang pagkakahawig ni Ryan sa Hollywood actor na si Tom Cruise. Kapansin-pansin din ang ­ganda ng kanyang pangangatawan.

“I’m slim now because I working on a role. I’ve been here now for two months. My first time here and I love it here. When I first gone here, I was muscular ‘cause I’ve done MMA all my life. I was pro when I was younger. I competed in worlds stage. When I converted into an actor, they want me to slim down especially here for the market.”

Mahirap daw makapasok sa showbiz ang may dugong banyaga.

“It’s hard but not impossible. It has been done,” sey niya.

Ang nakakabilib kay Ryan ay ang interes niyang matuto ng Tagalog. Wala man daw formal training, natututo siyang magsalita sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga taong nakakasalamuha.

Ano ang aabangan sa kanya?

“Soon I’m working on a project now. Mall tour coming out at the end of this month. I’m also with Gerald Anderson for Cosmo Body for a tour. We conclude in a big show in MOA.”

Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto raw makatrabaho ni Ryan si Liza Soberano.