Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mas malakas kay Lord si Lord

0 104

Nakita na ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang malaki niyang pagkakamali nang suspendihin niyang bigla ang sesyon ng Kamara de Representantes noong Oktubre 7, at ngayon eh hindi na mangyayari ang kaniyang birthday wish.

Sa unang tingin, inakala ng mga kurimaw nating nakatutok sa “Kamaraserye” na naisahan ni Cayetano ang katunggali at kahati niya sa termino bilang speaker na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, nang suspindihin ng una ang sesyon ng Kamara at magbabalik na lang sila sa Nobyembre 16.

Ang orihinal na schedule kasi ng Kongreso (Kamara at Senado), sa Oktubre 17 pa ang kanilang bakasyon. At inaasahan na ipapasa nila sa ikatlong pagbasa ang P4.5-trilyon general appropriations bill (2021 national budget) para mapag-aralan naman ng mga senador habang bakasyon.

Ang kaso, sinuspendi nga ni Cayetano ang sesyon, at sa second reading lang nila ipinasa ang GAB. Bagay na ikinabahala ng mga senador dahil posibleng maatraso ang pagdinig ng budget sa Nobyembre at hindi nila ito maipasa pagsapit ng Disyembre.

Ang mangyayari, reenancted budget ang gagamitin ng gobyerno, ang 2020 budget sa pagsapit ng 2021. Bagay na ayaw mangyari ni President Mayor Digong Duterte lalo na’t may pandemic. Ang resulta, nagkapatong-patong ang “inatraso” ni Cayetano–si Velasco, ang mga senador, at ang mismong pangulo.

Kahit ang mga batang labas-uhog at nakahubong naglalaro sa kalye ang tatanungin, alam nila na ang dahilan kaya maagang pinagbakasyon ni Cayetano ang mga kongresista–ang maiwasan ang Oktubre 14, ang takdang araw ng pagbababa niya bilang Speaker, upang pumalit sa kaniya si Velasco, alinsunod sa kanilang term sharing agreement.

Si Cayetano na rin ang nagsabi na sentimental sa kaniya ang darating na ika-50 kaarawan sa Oktubre 28, at nais niyang mag-celebrate ng birthday na siya ang Speaker. Ang kaso, mukhang mas malakas kay Lord si Lord Allan, at sa kaniya ibinigay ang pagkakataon na mag-birthday na Speaker sa November 9.

Pero kung hindi kaya sinuspendi ni Cayetano ang sesyon noong Oktubre 7, may pag-asa pa kayang matupad ang wish niyang mag-birthday na Speaker? Puwede sabi ng ilang kurimaw natin na mahilig sumubaybay sa politika.

Kung nagtuloy-tuloy daw ang sesyon at pagtalakay nila sa budget, baka hindi nabanas ang pangulo at mga senador. Bagaman may mga pahayag kasi ang pangulo tungkol sa term sharing, binabanggit din niya na dapat may numero si Velasco, o sapat na bilang ng mga kongresistang sumusuporta sa kaniya bilang Speaker.

At kung nagtuloy-tuloy ang sesyon, baka hindi nagkaroon sapat na panahon si Velasco na manligaw ng suporta sa iba para maging speaker siya–lalo na kay Davao City Mayor Sarah Duterte, na dalawang beses nang nagtagumpay na makapagpaalis ng Speaker–una si Pantaleon Alvarez (Davao del Norte).

Kung nagawa ni Cayetano na ipasa ang budget, good shot sana siya kay presidente at baka hindi na rin nakialam si Mayor Sarah. At pagkatapos niyang aprubahan ang budget, puwedeng doon na ihirit ng kaalyado ni Cayetano ang botohan para ipawang-bisa ang term sharing agreement.

Ang kaso, dahil sa mali raw na pagkakaintindi ni Cayetano sa utos ng pangulo na manatili siyang speaker habang tinatalakay ang budget— na isang malaking kabalbalan kung paniniwalaan ang kanyang palusot, Hayun, nasibak siya. Kaya ang inakala ng iba na mahusay na taktika ang ginawa niyang pagsuspindi sa sesyon, nag-boomerang sa kaniya at sapul–laglag siya sa trono at lumabas ng Kongreso na nakatago ang buntot

Pero tapos na nga ba ang “Kamaraserye” ngayong si Velasco na ang “Lord of the House?” Malamang hindi pa mga tropapips.
Kung hindi magiging maingat si Velasco sa kaniyang mga desisyon sa pagpuwesto ng mga tao o pagsibak ng mga dating nakaupo noong panahon ni Cayetano, aba’y baka hindi siya magtagal sa trono. Tandaan na naupo siya bilang speaker dahil sa “kasunduan” at suporta ng taga-labas. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.