Abante Tonite Interactive

Mas maraming delikado kesa vape, itigil na ang hate campaign

0 175

Uunahan ko na bago ko ipagpatuloy ang pagsusulat sa artikulong ito, hindi ako pro-vape pero hindi rin ako anti-vape, magsusulat lamang ako na ang ta­nging layunin ko ay mabigyan naman ng panig ang mga gumagamit ng vape.

Marahil hindi alam ng marami na mahigit isang milyon ang mga gumagamit ng vape at e-cigarettes sa bansa at patuloy pa ito sa pagdami dahil sa dulot nitong kasiyahan at marami akong kakilala na dumami ang kaibigan dahil sa paggamit ng vape.

Unahin natin ang mga taga-media na nagbigay ng mga negatibong komento laban sa vape, hindi masamang magbigay ng negatibong komento kung may pag-aaral na ito nga ay masama.

Sa katotohanan, iisa pa lamang ang natukoy nilang naapektuhan ng vape sa Visayas ngunit hanggang ngayon ay wala pang idinideklarang namamatay sa buong bansa, pero uulitin ko hindi ko sinasabing hindi nakakamatay ang vape.

Ano ba ang mas delikado, ang mag-vape o magmaneho ng motorsiklo? Sa motorsiklo araw-araw tatlo hanggang lima katao ang namamatay hindi pa kasama dito ang nabalda o nasugatan, samantalang sa loob ng halos pitong taon na sa merkado ang vape ay wala pang naiuulat na nasawi sa ating bansa.

Ang dami ng mga nakamamatay, tulad ng smoke belching, mountain climbing, pagtalon gamit ang parachute at marami pang iba pero hindi pinanggigigilan tulad ng ginawa nila sa vape o e-cigarettes.

Kahit minsan ay hindi nagbigay ng pahayag ang mga vaper pero sa dinami-dami ng mga nakausap kong gumagamit nito ay damang-dama ko ang sama ng kanilang loob dahil sa hindi patas na pagtrato sa kanila.

Sabi nga ng isa sa mga nakausap ko “Baga namin ‘to, karapatan namin kung ano ang gusto naming gawin sa baga namin, ang masama kung sa pagbuga namin ng vape ay baga ninyo ang ginagamit namin.”

Kinukuwestiyon din nila ang mga matatandang gumagamit ng sex enhancer na available sa lahat ng leading drug store dahil sa delikado ito at nakamamatay kapag hindi kinaya ng puso ng isang may edad na.

Pero dahil gusto ng mga lalaking may edad na sumaya o muling madama ang kaligayahan ay hindi nila iniisip na posible silang mamatay at walang pumupuna dito kum­para sa vape.

Kung pipikit tayo sandali, maiisip nating may punto rin ang mga gumagamit ng vape, mas madami ang mga delikadong bagay na umiiral ngunit walang pumupuna at hindi kinukuyog ng media.

Ang kabi-kabilang batikos din ang nakikita nilang dahilan kaya nairita na ang ating Pangulong Rodrigo Duterte kaya naobliga nang ipagbawal ang paggamit ng vape kahit wala pang umiiral na batas.

Hindi lahat ng gumagamit ng vape ay mga tolongges, marami rin sa kanila ang professional na nakakaintindi ng kanilang karapatan, bakit hindi na lamang maglabas ng guidelines o regulations sa paggamit ng vape, tsaka na lamang silang hulihin kung hindi sila makakasunod.

Sa iba masama ang vape, sa iba naman ay mabuti kaya dapat ay upuan at pairalin ang respeto sa isa’t isa.