Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mas sikat si Nene

0 72

Masakit para sa pamilya Pimentel ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya lamang ang nagpasikat sa PDP-Laban na tinayo ng namayapang dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. at sinalo ng anak na si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III.

Sabi ni Pangulong Duterte noong Sabado: “Itong party na PDP was asleep for a hundred years, it only woke up during the elections when I ran for the presidency under their ticket.”

Mas masakit ang mga sumunod na pasaring ni Duterte: “It was a father and son party, period. Wala ng iba. And they are not even recognized in Cagayan de Oro City, totoo yan. I’m not trying to throw insult, but ‘yan ang totoo talaga. They cannot win, maski barangay captain, talo ‘yan sa kanila.”

May halong katotohanan at kasinungalingan ang sinabi ng Pangulo. Matagal nang partido ang PDP-Laban pero sabi nga ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kaysa lamang ito sa isang jeepney. Actually, kasya ang 22 pasahero sa jeep kung sampuan ang bawat side ng upuan.

Mas matindi pa nga ang pasaring ng yumaong Sen. Joker Arroyo na sakto lang sa Volkswagen ang mga miyembro ng Liberal Party (LP) bago naging pangulo si Noynoy Aquino noong 2010. Malamang, dito humiram ng ideya si Roque. Ang pagkakaiba lang ng delivery nina Roque at Joker, seryoso ang dating ng una samantalang pakuwela lang ang ginawa ng namayapang senador sa LP.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kilala ang mga Pimentel sa CDO dahil naging alkalde ng lungsod si Nene, pero natalo naman si Koko noong tumakbo ito noong 2001. Mula noon hanggang ngayon, hindi na nagpalakas ng puwersa ang pamilya sa kanilang home province dahil nakatuon na sila sa national level.

Malaki ang respeto ng maraming politiko kay Nene Pimentel. Si Nene dapat ang running mate ni Cory Aquino noong 1986 snap elections pero para mapag-isa ang oposisyon, nag-giveway ito kay Doy Laurel. Noong maupo sina Cory at Doy bilang presidente at bise presidente ng bansa matapos ang EDSA Revolution, si Nene ang naging Minister of Local Government hanggang sa maging senador noong 1987. Isa siya sa 12 senador na bumoto para sa pagpapalayas ng US military base sa Pilipinas.

Tumakbo siyang vice president noong 1992 elections katambal si Jovito Salonga pero pareho silang natalo. Taong 1998 lamang nakabalik sa Senado si Nene pero hindi makakalimutan ang naging papel nito bilang presiding officer ng Senate impeachment court.

Maraming kaibigang reporter si Nene dahil magaling siyang makisama. Itinuturing niya itong kapamilya at kapuso kaya ang ibang reporter, ang tawag sa kanya ay ‘Tay.

Malaki ang naging papel ng PDP-Laban para maging presidente ng Pilipinas si Duterte. Nakabayad na ng utang na loob si Duterte nang maging Senate President si Koko noong 2016 imbes na ang natalong running mate na si Alan Peter Cayetano. Kumbaga, amanos o quits na!

Leave A Reply

Your email address will not be published.