Abante Tonite Interactive

Masaker sa Cagayan 4 niratrat habang bumibirit sa videoke

273

Patay ang apat katao matapos silang ratratin ng dalawang lalaki habang kuma­kanta sa loob ng vi­deoke bar kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Lal-lo, ­Cagayan.

Kinilala ni Lal-lo Police Station (LPS) chief of police Sr. Supt. Warren Tolito ang napatay na sina Princess Angelica Javier at asawang si Eugene Javier; Ramsey at asawa nitong si ­Michaela Javier.

Sa inisyal na im­bestigasyon, ayon kay Tolito, bago ang pamamaril ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa labas ng Solomon Hotel building sina Princess at ang isa sa mga suspek.

Matapos ang pagtatalo, pumasok na sa videoke bar sa loob ng hotel ang dalawang pares na mag-asawa.

Ayon sa ilang saksi, lingid sa kaalaman ng mga ­biktima, pumasok ang dala­wang suspek at kinom­pronta ang guest relation officer na si Manilyn Albano at hinanap si Eugene, na siyang may-ari ng videoke bar.

Itinuro naman ni Albano ang kina­roroonan ng mga biktima na noo’y masayang kumakanta habang umiinom.

Dito’y walang sabi-sabi nang pinaulanan ng bala ang mga biktima tsaka agad na nagsitakas.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang LPS hinggil sa insidente.