Abante Tonite Interactive

Masakit ang binti

0 190

Mayroong tayong nakitang pasyente kamakailan na dumadaing na nanakit ang kaniyang kanang binti. Hindi naman daw naaksidente ngunit lumalala sa tuwing mahaba ang lakarin. Ngayon lang daw niya naramdaman ito.

Sa eksaminasyon makikita na buo naman ang saklaw ng paggalaw ng tuhod at paa ngunit masa­kit talaga ang likuran ng binti kapag hinawakan at may mga ugat din na naglala­kihan. Ano kaya ang dahilan nito?

Maraming maaaring maging sanhi ng pananakit ng likuran ng binti o ang tinatawag na gastrocnemius-soleus complex. Puwedeng manggaling sa buto tulad ng arthritis, sa mga ugat tulad ng varico­sities, sa nerves tulad ng spinal radiculopathy o sciatica, o sa muscle. Kung muscle, maaari rin sa mismong laman tulad ng mga sprain at strain, sa electrolyte imbalance o lactic acidosis kapag dehydrated. Iba’t ibang mga tests, laboratory e­xams, o imaging ang puwedeng gawin para ma-rule out ang bawa’t isang differential diagnosis.

Sa X-ray, normal ang buto, maliban sa katiting na arthritis, na hindi magiging dahilan ng pananakit na nailarawan. Ang mga labortoryo sa dugo kasama ang sodium at potassium ay normal din, bagama’t nirekomenda natin na uminom ng ORESOL o oral rehydration solution. Hindi ito dahil siya ay may LBM, kundi para manatiling maganda ang le­bel ng elctrolytes niya. Dahil may pamamaga ng muscle, nagbigay din tayo ng mga anti-inflammatories at bitamina para sa naglalakihang ugat. Ngunit ang lahat ng rekomendas­yon ay bale wala kung hindi makakapagpahinga. Sa follow up nakitang may pagbabago, ngunit umiral ang kirot sa may mga lugar ng mga ugat na tinatawag na varicose veins. Dito nasira ang mga balbula na tumutulong sa magandang pagdaloy ng dugo pabalik sa puso, kaya dahil sa gravity, na­nanatili ang dugo sa mga ugat na ito kaya lumalaki at paminsan kumukirot. May mga gamot para makatulong dito, ngunit kung matindi ang laki at sakit ng mga ugat maaaring operahan at tanggalin ang mga ito. Ito ang surgical procedure na tinatawag na vein stripping. Pansamantala, pinasusuot natin muna ng below the knee compression stockings para maibsan ang mga nararamdaman.

Sa isang problema ay madaming maaaring sanhi kaya ito ay iniisa isa nang sa ganon ay makita ng mabuti ang tunay na dahilan o diagnosis at maging sapat at nararapat ang lunas o treatment. Hindi hinuhulaan ang gagawin o basta-basta lang gamutin.

Kaya kung may nararamdamang kakaiba, huwag nang mag-atubili at pumunta na agad sa pinakamalapit ninyong doktor para matulungan nila kayo.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng Internatio­nal College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang perso­nalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.