Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Masakit mamatay sa ibang bansa

0 512

Sari-saring malulungkot na kuwento ang ating naririnig at nababasa kaugnay sa dinaranas na hirap at sakripisyo ng maraming tao, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo dahil sa COVID-19 pandemic.

Mula sa pagkawala ng trabaho , pagkagutom, depresyon at pagkamatay ay tila sumpa ng langit ang epekto nito sa maraming mamamayan.

Ang iba ay namamatay dahil sa bagsik ng COVID-19 pero mayroon ding mga pinanghinaan ng loob na mas piniling magpakamatay na lamang para matakasan ang hirap at bigat ng problemang idinulot ng salot na coronavirus.

Pero laman ngayon ng mga balita ang pagkamatay ng 287 manggagawang Pinoy sa Saudi Arabia, 107dito ay dahil sa COVID-19 at ang iba ay dahil sa sari-saring sakit na hindi naman tinukoy ng mga ahensiyang nangangasiwa sa kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ang masaklap dito, limampu sa mga OFW na nasawi dahil sa COVID-19 ay hindi na maiuuwi sa Pilipinas dahil sa peligrong maaaring idulot na kontaminasyon sa ibang tao o sa bansa pagdating sa Pilipinas.

Nagdesisyon ang Saudi government na ilibing sa kanilang bansa ang mga Pinoy na nasawi sa COVID at hindi maaaring i-cremate para kahit ang abo ay maiuwi sa Pilipinas dahil labag ito sa tradisyon at paniwalang Islam.

Pero nitong Biyernes ay pinayagan ng gobyerno na iuwi sa bansa ang natitirang OFWS na namatay sa COVID-19 at inaayos na health protocols para sa pagbiyahe sa mga ito pabalik sa Pilipinas.

Ang mga nasawing OFW ay naka-sealed ( multiple containments) at agad na ike-cremate pagdating sa Pilipinas.

Napakahirap isipin para sa pamilya at mga kaanak ng mga namatay sa COVID-19 na kahit kailan ay hindi na makikita pa, mayayakap o makakausap ang kanilang mahal sa buhay na nasa ibang bansa.

Ni sa hinagap na sa pag-alis ng mga nasawing OFW sa bansa ay ito na pala ang huling pagkakataon na makasama, makausap, mayakap at makita ang mga ito ng kanilang mga magulang, kapatid, asawa,at mga anak.

Totoo ang minsang nasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati na ang isa sa pinakamasakit na mangyari sa isang Pilipino ay mamatay sa ibang bansa, at mas masaklap ngayon dahil hindi na ito maiuuwi sa Pilipinas dahil sa pandemya ng COVID.

Walang makapagsabi kung gaano kasakit para sa pamilya ng mga nasawing OFW at kung kailan matatanggap ng mga ito ang katotohanan na kahit kailan ay hindi na nila makikita pa ang kanilang mahal sa buhay.

Sa mga panahong ito ay mahalaga ang dasal, tatag ng loob at suporta ng kapwa para maibsan ang sakit na idinulot ng COVID-19 sa mga naulilang pamilya.

Para naman sa ibang OFWs na namatay dahil sa iba’t ibang sakit, iuuwi ng gobyerno ang mga ito sa bansa para mabigyan ng marangal na burol at libing ng kanilang mga pamilya.

Ang aking pakikiramay sa mga pamilyang naulila, alam ko po ang damdamin ng isang nawalan ng mahal sa buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.