Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Masakit na pagkatalo

0 181

Marami ang umiyak pagkatapos ng May 9 national at local elections. Sila yung mga natalo sa nakaraang halalan. Mas masakit kung ilang daang boto lang ang naging pagkatalo.

Isa ang masaklap ang naging pagkatalo ay si Sen. Leila de Lima dahil olats na nga, nakakulong pa rin siya sa Custodial Center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame sapul noong Pebrero 2017 dahil sa mga umano’y inimbentong kaso ng iligal na droga sa senadora.

Matatapos na lamang ang termino niya sa Hunyo 30 pero wala pang kasiguruhan kung makakalabas na siya sa kulungan.

Gayunman, may konting liwanag na siyang nakikita dahil bumaligtad na ang dating driver at bodyguard niyang si Ronnie Dayan na nagsumite ng affidavit na tinakot siya para idiin ang senadora na tumanggap ng P10 milyon mula sa drug money sa New Bilibid Prison.

Binawi na rin ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang testimonya nito laban kay de Lima. Subalit ang pinakamalaki ay ang pag-retract ng testimonya ni dating Bureau of Corrections chief Rafael Ragos, isa sa testigo ng Department of Justice laban sa senadora.

Sinasabi ngayon ni Ragos na tinakot siya noon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kakasuhan kaya tumestigo siya na nagbigay ito ng P10 milyon kay De Lima sa pamamagitan ni Dayan.

Ngayong tapos na ang kampanya, pagtutuunan ng pansin ni De Lima ang dalawang nakabinbin na kaso sa Muntinlupa RTC upang sa gayon ay tuluyan na siyang makalaya.

“I will now have to focus on the dismissal of the fabricated drug cases against me so I can finally be released. It may have taken years of injustice and persecution, but truth and justice will always prevail. It has no timeline,” saad ng senadora sa isang statement kamakailan.

Isa tayo sa naniniwala na inosente ang senadora sa mga ibinibintang laban sa kanya.

Kung mapapalaya si De Lima, masasabi ng ilan na may umiiral pa ring hustisya sa bansa kahit mabagal ang takbo. Ang nakakatakot lang dito, kung ang isang nakaupong senador ay nagawang mapakulong, ano pa kaya ang mga ordinaryong tao lamang.

Napapanood lang natin ito sa telebisyon o sa pelikula pero marami nito sa totoong buhay. Mahirap talaga maging mahirap sa Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.