Abante Tonite Interactive

Masalimuot na panaginip

77

Magandang araw po sa inyo. May isasanguni ko lang po ang panaginip ko kung ano ang kahulugan nito sa buhay ko. Una may inupahan daw kaming bahay tapos pina-renovate ng kapatid ko ‘yung bahay na hindi alam ng may-ari. Tapos ‘yung kasama namin sa bahay nakakita ng may pinatay at ‘yung pumatay pumunta sa bahay at pumasok sa bahay namin at nakipag-agawan ako sa dalang itak dahil papatayin ‘yong isa naming kasama sa bahay. Tapos noong ako na ang puntirya na papata­yin ay tumakbo ako pa­labas ng bahay at lumipad para maghanap ng police station. Anu po ibig sabihin po ng panaginip ko? Maraming salamat po.

May tatlong aspeto ng iyong panaginip—una ang ni-renovate na bahay, ikalawa ay ang tagpong may pinatay at nakipag­laban ka sa killer at ikatlo ay ang iyong paglipad para humingi ng tulong sa mga pulis.

Ang panaginip tungkol sa isang bahay na inyong ipina-renovate ay indikasyon na ang iyong subconscious ay nakapokus sa isang sitwasyon kung saan naninibago ka. Meron pagbabagong pumasok sa buhay mo at nangangapa ka pa kung paano makikibagay sa sitwasyong ito. Kumbaga ay nawala ang lahat ng pa­milyar sa iyo. Maihahalimbawa rito ang pagpasok sa isang bagong school o bagong trabaho. Sa iyong panaginip ay hindi sa inyo ang bahay, inuupahan niyo lamang. Maari mo naman itong ikonek sa insecurity mo sa kinalalagyan mo ngayon. Kung ito nga ay bagong trabaho, may feeling ka na baka hindi ka magustuhan ng iyong bagong amo at kinatatakutan mo kung ano ang kasasapitan mo sa hinaharap. Tulad na lamang ng iyong panaginip kung saan ipina-renovate niyo ang bahay kahit hindi alam ng may-ari at naroon ang pangamba na hindi magustuhan ng may-ari ang ginawa ninyo.

Ang bahagi naman ng panaginip mo na may pinatay at nakipaglaban ka sa killer ay puwedeng indikasyon na meron kang itinatagong galit. Ang patayan at ang pakikipaglaban mo ay nagrerepresenta ng matinding emosyon, may panggigigil. Anuman ang sitwasyon mo ngayon ay hindi mo gusto at nasa likod ng isip mo ang pagtutol pero maaaring wala ka naman sa posisyon para magsalita at baguhin ito.

Habang ang paglipad ay indikasyon naman na gusto mong makawala sa isang tricky situation kaya nga sa iyong pana­ginip, lumipad ka para humingi ng tulong sa pulis. Sa kabuuan, malinaw na meron kang pinagdaraanan na may kinalaman sa isang malaking pagbabago. At anuman ito ay hindi ka komporta­ble sa sitwasyon. At dahil nai-stress ka, nagkaroon ka ng isang komplikado at masalimuot na panaginip.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panagi­nip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.