Abante Tonite Interactive

Masama ba ang shooting natin?

0 323

Nakauwi na ang mga manlalaro ng Gilas Pilipinas sa ating bansa nitong Martes.

Marahil narinig o nakita na natin sa social media ang maraming mga kuro-kuro ukol sa pagkakuelat ng koponan natin sa 18th FIBA World Cup 2019 sa China.

Kesyo walang cohesion, wala sa kundisyon ang naturalized player natin na si Blatche, at masama ang shooting ng ating manla­laro. Lumaban naman ang koponan ngunit, maraming nag-comment na kulang pa.

Pinag-aralan ko ang shooting stats ng mga koponan. Dahil na rin sa unang laro natin kontra Italy, nakita natin na ang unang 17 na attempts natin sa tres, ay ‘di pumasok. Ang 3-point shot ngayon sa basketball ang pinakaimportanteng shot sa sport.

Madaling makahabol kung napapasok ang tres. Ito rin ang pinakamabisang paraan kapag mga higante ang kalaban natin.

Kumpara sa Canada na may 37.1%; France, 47.1%; Australia, 40.8%; Serbia, 39.4% at Czech Republic, 42.0%, ang Pilipinas ay may 25.2% lang sa shooting percentage. Nasa huli tayo ng mga koponan sa FIBA, kasama ang Puerto Rico at Senegal.

Maraming nagsasabi na kung pumutok ang mga tres natin, ‘di sana tayo natambakan. Sa akin naman, mukhang pagod ang mga tirador at bago pa man ang torneo, nagka-injury sina Matthew Wright at Marcio Lassitter.

Isama mo na rin na ‘di sumali ang isa pang tirador ng Gilas na si Jayson Castro. So, kulang talaga tayo sa shooters.

Papaano gumagaling ang isang manlalaro sa pag-shoot ng bola?

Sabi ni four-time Olympian at all-time scoring leader Oscar Schmidt ng Brazil, mag-ensayo araw-araw ng shooting para ma-develop ang muscle memory na magbibigay ng consistency sa shooting.

Ayon naman kay Shin Dong Pah ng Korea, isa sa pinakamagaling mag-shoot noong araw, kailangang magpraktis tayo ng shooting na pinakamalapit sa basketball ring. Mag-shoot nang mag shoot, hanggang ‘di na nagmi-miss.

‘Pag naka-10 out of 10, move one step backwards at shoot ulit nang shoot hanggang maka-10 walang sablay ulit, tapos move one step backwards ulit.

Ang unang rule sa pag-shoot ay balance, ibig sabihin, ang distansiya ng mga paa natin ay dapat kasinghaba ng balikat natin. Pangalawa, para ‘di kapos ang tira, dapat gamitin ang tuhod kasi ‘yan ay nagbibigay ng puwersa.

Pangatlo, dapat ang siko, naka-‘L’ shape towards the basket. Pang-apat, ang non-shooting hand ay nagga-guide lang sa bola, ‘di nakahawak sa bola. Panlima, ang bola ay naka-rest lang sa fingers, ‘di sa palad. Pang-anim, lagyan ng arko ang tira, 43-50 degrees kasi lumalaki ang ring ‘pag galing sa taas ang bola.

Kung patulis ang tira, lumiliit ang ring at mahirap mag-shoot. At pampito, ‘pag na-release ang bola, mag-follow through tayo. ‘Yan ang magbibigay ng direction sa inyong shoot. Kung magtiyaga lang tayo sa pag-eensayo araw-araw, gagaling at gagaling tayo sa pag-shoot.