Abante Tonite Interactive

Masarap ang mapait

ANG SA AKIN LANG

By
366

julius-segovia

Bihira ang tao na paborito ang ampalaya. Mapait kasi ang lasa nito. Kaya madalas na inaayawan ng marami.

Pero alam n’yo bang maganda pala sa puso ang ampalaya?

Kaya kung sawi ka man sa pag-ibig, imbes magmukmok at maging bitter sa isang sulok, kumain ka na lang ng ampalaya. Tiyak akong gaganda pa lalo ang tibok at daloy ng dugo sa iyong puso.

Ayon sa mga medical expert, may kakayahan ang ampalaya na alisin ang bad cholesterol. Sumasama kasi ito sa ampalaya extracts palabas ng ating katawan.

Bukod d’yan, ang gulay na ito ay may flavanoids at alkaloids na nakatutulong para mag-produce ang pancreas ng insulin na nakatutulong sa pagkontrol ng blood sugar sa mga may diabetes.

Nagdudulot din ito ng magandang blood circulation. Pero hindi hinihikayat ng mga doktor ang mga taong diabetic na may maintenance na para sa diabetes na kumain pa ng maraming ampalaya. Lalo kasi itong magpapababa ng blood sugar level sa katawan na masama rin naman kung sumobra.

Sagana rin sa iba’t ibang bitamina ang ampalaya. Kabilang ang Vitamins A, B at C, iron, folic acid, phosphorous at calcium. Mayaman din ito sa antioxidants na lumalaban sa free radicals na nakasisira sa ating kalusugan.

Ayon mismo sa Department of Health, epek­tibong herbal medicine ang ampalaya. Gamit ang katas ng dahon at buto ng bunga nito, pinatitibay nito ang immune system para labanan ang impeksiyon sa katawan.

Nakagagamot din daw ng ubo at sipon ang katas ng ampalaya.

Pero may babala ang mga eksperto. Maaari rin daw maging sanhi ng pagkahilo, kombulsiyon at pagdudumi ang katas ng ampalaya, kung hindi tama ang pag-inom. Maaari namang maging sanhi ng sakit ng ulo at pagkagutom ang buto nito.

Ang sa akin lang, mainam pa ring kumonsulta sa doktor bago simulan ang pag-inom ng katas ng ampalaya, lalo na kung may delikadong sakit.
Ugaliin pa ring sumangguni sa mga eksperto. Huwag magdoktor-doktoran.