Abante Tonite Interactive

Masaya lang

By
3,158

Nag-post ako sa FB. Litrato ng isang batang nakangiti. Nakatanggap kasi siya ng sapatos ga­ling sa gobyerno natin. Kasama ito sa yearly package na pinapamahagi natin sa mga estudyante ng mga public school. Halos 20,000 sila.

Sa pag-post ko, ang inaasahan ko, mga pagbati sa bata dahil sa saya niyang magkaroon… pero dito sa Pilipinas, ito ang pangkaraniwang sagot… “mayor pano naman kami?” “Bakit sila lang?” “Buti pa sila meron.”

Sa mga sandaling ‘yun, hindi ba natin talaga kayang ma­ging masaya para sa ibang tao? Kaila­ngan ba talaga na sa lahat ng bagay, may parte tayo? May pakinabang tayo?
‘Yung salitang paraya, ‘di talaga normal sa atin? ‘Yung maging masaya para sa iba, ‘di talaga normal sa atin?

Sa raffle, ito raffle na ito ha… ibig sabihin ng raffle, may masuwerteng mabubunot at mananalo pero ilan lang silang mapalad?

Akala niyo ba may maririnig ka­yong palakpak ‘pag tinawag ang pa­ngalan ng nanalo ng grand prize? Sisigaw sila pag-absent ang nabunot at tuwang-tuwang aasa muli.

At ‘pag natapos na ang raffle, lalapit sila at magwiwika: “bigyan mo kami ng premyo. Hindi kami nabunot.”

San kaya nangga­ling ang ganitong ugali natin? Nakaugat kaya ito sa pagiging deprived noong panahon pa ng mga Kastila?

Matuto tayong maging masaya sa magandang kapalaran ng ating kapwa… matuto ta­yong magparaya at saluhan sa saya ang mga taong pinalad na mabiyayaan.
Para ‘pag tayo na ang may magandang kapalaran, matutuwa rin sila sa atin.