Abante Tonite Interactive

Masayang paglipad

By
47

Nanaginip akong lumilipad daw ako. Nakadipa ang aking mga kamay at ramdam ko ang hangin at ang lamig ng mga ulap na nadadaanan ko.

Hindi ko alam kung saan ako papunta pero kitang-kita ko ang nadadaanan ko at lahat ay makulay. Ramdam kong ang saya-saya ko habang lumilipad.

Ang panaginip na lumilipad ay isa sa mga pangkaraniwang pana­ginip.

Ang ganitong pana­ginip ay kadalasang ikinokonek sa paghahanap natin ng kalayaan. Madalas na ang mga nagkakaroon ng ganitong panaginip ay dumaraan sa sitwasyon kung saan nagiging isyu ang kanyang kalayaan.

Pag-aralan ang iyong sitwasyon. Ikaw ba ay nasa isang relasyon o kalagayan kung saan nasasakal ka at gustong-gusto mong makalaya o makawala. Kung nararamdaman mong bawat galaw mo ay kailangang umaayon sa dikta ng iba at nagrerebelde na ang iyong kalooban sa iyong sitwasyon.

Kung ikaw ay nasa ganitong sitwasyon, ang iyong panaginip na pag­lipad ay sumisimbolo sa kalayaan na gusto mong maramdaman. Sa iyong subconscious ay iyon ang hinahangad mo: ang makalipad na parang ibon at makawala sa sitwasyon mong tila nasa hawla.

Puwede ring namang nakalagpas ka na sa isang nakakasakal na sitwasyon kaya naman ang panaginip mo ay isang pagdiriwang ng iyong kalooban na ganap ka nang malaya. Kumbaga ay para kang ibon na nakawala sa hawla­ at ngayon ay malayang­ nakakalipad. Kaya nga sa iyong panaginip ay nakaramdam ka ng saya habang ikaw ay lumi­lipad.

Maaari rin naman na ang iyong panaginip ay konektado sa isang ma­tinding achievement na nakamit mo kung saan sa sobrang sayang idinulot nito sa iyo ay para kang superhero na nakakalipad.

Kung anuman ang sitwasyon mo sa buhay, ipinakita sa iyo ng iyong panaginip ang mga ma­lawak na nangyayari sa ibaba. Nabigyan ka ng bird’s eye view. Gamitin ito sa aktuwal na buhay. Tingnan ang mga nangyayari sa mas mataas na perspektiba. Makakatulong ito para makapag-isip ka nang husto kung paano mag-iimprove ang iyong sitwasyon sa buhay.

Ang naramdaman mong saya habang nasa itaas at lumilipad ay puwede namang gamiting inspirasyon. Kung magsisikap nang husto, kaya mo ring abutin ang mas matayog pang pangarap sa buhay.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.