Abante Tonite Interactive

Masigla at makatotohanang debosyon kay Sto. Niño!

260

Ipinagdiriwang ng Simbahan ngayong Linggo ang Kapistahan ng Sto. Niño. Kilala tayong mga Pilipino sa ating debosyon sa Banal na Sanggol. Iniluluklok natin ang Kanyang estatuwa ‘di lamang sa mga altar sa bahay kundi pati sa lugar ng ating ­trabaho at maging sa mga ­sasakyan.

Gayunman, ayon sa Simbahan hindi ito ­sapat. Kung tunay ang ating debosyon, dapat natin itong ipakita sa malasakit sa milyon-milyong kabataan at kababa­yan natin sa ating bansa at sa buong mundo na napapaba­yaan o nabibiktima sa maraming paraan.

Mahal ni ­Hesus ang mga bata at ­ipinakita niya ang pagtangi sa kanila sa mara­ming paraan katulad ng makikita natin sa Ebanghelyo ­ngayong araw (Mt. 18 1-5.10). Bilang mga taga sunod niya inaasahan tayong isabuhay ng mga pagpapahala­gang napapaloob sa nasabing debosyon ­tulad ng katapatan, kapa­yakan, kababaang-loob at pagtitiwala.

Sadyang napakahaba ng kasaysayan ng debosyon sa Sto. Niño sa Pilipinas at ito’y may kaugnayan sa ­pagsisimula ng ­pagiging Kristiyano natin. Mahalagang paalala sa tanan ngayong naghahanda na ang bansa sa ika-500 taon ng ating pagiging Katoliko na ang debosyon sa Batang Banal ay hindi dapat ituring na isang madamdaming pagdiriwang lamang.

Diin ng Simba­han, “God calls us to be servants in the likeness of his Son, the Light of the World, who began his life in this world as a little child. The feast of the Santo Niño gives us an opportunity to be renewed in gratitude and in the joy of doing God’s will with childlike trust and confidence.”

Sa kanyang pagninilay pinaalalahan ni Pope Francis ang lahat ayon sa turo ni Hesus na ang Kaha­rian ng Diyos ay para sa mga may katangian ng mga bata, higit sa lahat ang kanilang pagiging totoo at pagpapamalas ng tiwala sa kanilang mga magulang. “There are many gifts, so many riches that children bring to humanity!” giit ni Lolo Kiko.

Sadyang kaibig-ibig ang mga bata at lahat ng mga bata’y dapat mahalin, turo ng Simbahan. Ngunit hindi lahat ay minamahal – marami pa rin ang hindi ­minamahal nang tama kaya’t may mga lumalaki sa ­layaw, ­kulang sa pansin at ‘yung mga ginagamit at sinisira ng kalupitan ng mga nakatatandang hayok sa laman!

Nawa ang ating debosyon ay ­maging daan sa pagsupil sa ­sari-saring pagsasamantala, ­pagmamalabis at pagmamalupit sa mga bata at pagpatay sa kanila lalo na sa Pilipinas na sinasabing bayan ng Sto. Niño. Sa huli, hirit ni Bishop Teodoro ­Bacani, ang masigla at makatotohanang ­debosyon kay Sto. Niño ay hindi lamang ­pagpapahalaga sa kabataan kundi pangangalaga rin sa ­kapakanan at pangangailangan ng mga dukha at ­sawimpalad kung kanino nakipamuhay ang Panginoon.