Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Masikip ang Magic 12

0 159

Ngayon pa lang, mukhang magdadalawang-isip na ang ilang politikong tumakbo sa pagka-senador sa 2022 elections. Ang posibleng iniisip nila, “napakasikip” para makalusot sila sa 12 pag-aagawang upuan sa Senado.

Kung susuriin mo kasi ang resulta ng Pulse Asia survey noong December 2020, tatlo lamang ang hindi lawmaker o dating mambabatas na pasok sa Top 12. Nanguna sa survey ang bilyonaryong si Senador Manny Pacquiao na noong una at posibleng hanggang ngayon ay maraming kumukuwestiyon sa kapabilidad nito sa lawmaking pero madalas namang magpa-raffle ng sasakyan at mamudmod ng pera sa mahihirap.

Nakabuntot kay Pacquiao sina broadcaster Raffy Tulfo, Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte at Manila City Mayor Isko Moreno. Ang sumusunod sa kanila ay puro mga ex-senator tulad nina Sorsogon Gov. Chiz Escudero, Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano, Antique Rep. Loren Legarda na magdiriwang ng kaarawan sa darating na Enero 28 at dating Sen. Bongbong Marcos.

Nasa winning circle din at umookupa ng 8th-10th puwesto sa survey, ang palaban na si Senador Ping Lacson at ang masipag at look-alike daw ni George Clooney na si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Malaki din ang posibilidad na manalo ng reeleksyon sina senador Sherwin Gatchalian, Francis Pangilinan, Risa Hontiveros at Richard Gordon, gayundin sina dating Sen. Jinggoy Estrada at DPWH Secretary Mark Villar. Isa sa reeleksyunista ay si Sen. Joel Villanueva na number 2 noong 2016 senatorial elections.

Kahit malayo pa ang May 2022 elections, ngayong taon naman inaasahan ang paghahain ng certificate of candidacy kaya pagsapit ng Oktubre o Nobyembre ay malalaman na natin kung sino sa kanila ang aatras o tatakbo sa ibang puwesto.

Si Pacquiao, posibleng tumakbong president o vice-president. Si Mayor Sara naman, number one sa survey ng Pulse Asia sa pagka-presidente. At si Mayor Isko naman, malakas sa pagka-vice president.

Kung tatakbo sa presidential o vice presidential elections ang tatlo, doon pa lamang luluwag nang kaunti ang tsansa ng ibang politikong makapasok sa Magic 12. Malay nyo may bagong mukha na namang papasok sa Senado sa susunod na taon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.