Abante Tonite Interactive

Masisisi ba ang pro-death penalty advocates?

By
10

Hindi ko masisisi ang mga taong nagsusulong ng death penalty dahil ito na lang ang panlaban sa mga taong katulad ng Carmelio ‘Milling’ Ibanez na umaming pumatay sa isang pamilya sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Parang nakakainis lang ang karaniwang sinasabi ng mga kriminal na “sana ay mapatawad ako” sa karumaldumal na krimen na kanilang nagawa. Kahit hindi mo kaanak ang mga biktima ay parang hindi mo matanggap ang paghingi nila ng tawad.

Saan ka naman nakakakita ng taong kayang pumatay ng sanggol o ng mga bata na wala namang kalaban-laban at saan ka nakakita ng mga matitinong tao na gahasain ang kanilang biktima kahit patay na (na binawi din ni Ibanez).

Ang mga ganitong tao na nasunog na ang utak sa ilegal na droga ay wala nang puwang sa mundo kaya nararapat lang sigurong ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

Oo mahalaga ang buhay ng mga tao kaso paano naman ang buhay ng kanilang mga biktima na nawala nang wala sa oras dahil sa mga tulad ni Ibanez?

May karapatan din naman silang mabuhay, ang mga taong pinagpapatay nila dahil sunog na ang utak nila sa droga.

Yung mga teroristang namumugot ng ulo at naghahasik ng terorismo sa Mindanao tulad ng mga Maute group at Abu Sayyaf Group, palagay niyo may karapatan silang mabuhay?

Kahit ang Bibilya ay nagsasabi na kung ano ang inutang mo ay siya ring kabayaran kaya kung buhay ang inutang mo, buhay din ang kapalit. Kung karapatang pantao ang pag-uusapan, walang karapatang pantao ang mga kriminal at mga teroristang ito.

***

Huwag sanang ituloy ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danny Lim ang kanyang planong gawing dalawang araw ang number coding scheme dahil marami ang nagsasabi na hindi ito solusyon para maresolbahan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Huwag namang isakripisyo ang mga tao, ang mga ordinaryong mga tao o yung mga middle class na tinatawag na isa lang ang kotse para lang mapaluwag ang mga kalsada sa Metro Manila.

Ang pinapaboran ni Gen. Lim sa ideyang ito ay yung mga mayayaman lang na kayang magdagdag ng isa pang sasakyan habang isinasakripisyo ang mga mas nakakarami.

Makikinabang din ang mga kumpanya ng mga sasakyan dahil lolobo ang kanilang benta dahil tiyak na magdadagdag ng sasakyan ang mga may kaya sa buhay kaya yung ideyang mababawasan ang volume sa ideyang gawing dalawang araw kada linggo ang co­lor coding scheme ay wala ring silbi.

Ang dapat gawin ni Lim, latiguhin ang mga construction companies na gumagawa ng mga infrastracture projects dahil marami ang naiinip sa mga kilos nila sa kanilang mga proyekto.

Kapag naayos na ang mga transport system si­guradong magkukusa na ang mga tao na huwag nang bumili ng kotse pero habang wala pang maayos na masasakyan, gagamit at gagamit ang mga iyan ng sasakyan. (dpa_btaguinod@yahoo.com)