Abante Tonite Interactive

Maski sinong Speaker basta Pilipino — Duterte

457

Walang magiging problema kay Pangulong Rodrigo Duterte kahit sino pa ang mahirang na Speaker ng Mababang Kapulungan ng K­ongreso sa pagbubukas ng 18th Congress.

“Maski sinong Spea-ker diyan, komportable man ako. Basta Pilipino lang, okay lang sa akin,” anang Pangulo.

Sinabi ito ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati matapos ang panunumpa sa Malacañang noong Martes ng gabi ng mga newly-elected senator at mga lokal na opisyal na ininedorso ng Hugpong ng Pagbabago.

Ipinahayag naman kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na malinaw ang posisyon ng Pangulo na hindi ito makikialam sa pagpili ng susunod na House Speaker.

Dagdag pa ng kalihim na kumpiyansa si Pangulong Duterte na isusulong ng sino mang mapipiling Speaker ang mga panukalang batas na prayoridad ng Malacañang para sa interes at kapakanan ng sambayanan.

Matatandaang minsan na rin kinuwestiyon ang citizenhip ng isa sa mga nag-aambisyong maging Speaker na si Taguig-Pateros Congressman-elect Alan Peter Cayetano na ang ina ay isang American citizen.

Si Marindugue Rep. Lord Allan Velasco na isa ring aspirante sa pagka-Speaker ay matatandaang kinuwestyon naman noon ang citizenship ni dating Congresswoman Regina Ongsiako Reyes.

Nanalo si Velasco sa kanyangpetisyon sa House of Representatives Electoral Tribunal at pinalitan sa puwesto si Reyes. (Aileen T­aliping)