Abante Tonite Interactive

Mass testing mabilis `pag sinali mga LGU – Gatchalian

418

Hindi umano dapat mag-relax ang Department of Health (DOH) at kailangang pagtuunan ng pansin ang gagawing mass testing para malaman na ang totoong bilang ng mga taong nahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sabi ni Senador Sherwin Gatchalian, kailangang sabay-sabay ang gagawing mass testing sa bansa at dapat bigyan ng kapasidad ang mga local government unit na isagawa ito.

“Ang strategy dito pagdating ng mass testing, totoong mass testing, talagang sabay-sabay. Bigyan natin ng kapasidad ang lokal ng pamahalaan na mag-mass testing. Bigyan nating ng kapasidad ang mga ospital at laboratoryo maka-process,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa radyo.

Ayon kay Gatchalian, dapat paspasan ng DOH ang pagsasagawa ng mass testing dahil kung hindi siguradong palalawigin pa ng todo ang enhanced community quarantine o lockdown sa Luzon.

“Dapat gawin ng DOH ay malawakan na testing. Hindi ho tayo pwede magtagal dito, hindi ho tayo pwedeng pabanjing-banjing dahil ang kalaban natin dito hindi lang `yOng pagkain kung hindi `yOng kabuhayan ng tao,” sabi ni Gatchalian.

“Kung hindi natin mahihinto `to at patuloy ang pagkalat, mapipilitan ang ating pamahalaan na ma-extend pa `yong ECQ pero sa pag-extend ng ECQ, marami talagang mawawalan ng kabuhayan at mahihirapan. Kaya importante ho sa DOH na talagang paspasan `yong aksyon,” ayon pa sa senador.

“Dapat makipag-partner din sila sa lokal na pamahalaan dahil `yong local government natin nasa ground ito, nasa frontline ito, kaya mas mabilis nila magagawa itong mass testing,” dugtong pa nito.

Nauna nang inihayag ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Carlito Galvez Jr., chief implementer ng National Task Force on Covid-19, na sisimulan ang mass testing sa Abril 14, ang araw ng pagtatapos ng Luzon-wide enhanced community quarantine.

Prayoridad sa mass testing ang mga person under investigation (PUI) at person under monitoring (PUM). (Dindo Matining)

Tonite – Wendys Inhouse Ad