Abante Tonite Interactive

Mass testing ng DOH arangkada na

485

Kahit sa Abril 14 pa ang target na pagsisimula ng mass testing, sinabi ni Secretary Carlito Galvez, Chief Implementer ng National Action Plan laban sa coronavirus disease 2019 na inumpisahan na nila ang mass testing ng mga persons under investigation ( PUIs) at persons under monitoring (PUM).

Aniya, hindi umano lahat ay maisasailalim sa mass testing, tanging mga PUIs at PUMs lamang ang isasailalim sa COVID test.

Tatlong araw umano ay lalabas na ang resulta ng test mula sa dating limang araw na resulta ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Kinumpirma din ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang sinabi ni Galvez na nagsasagawa na ngayon ng mass testing ang Department of Health (DOH).

“Tama po ‘yan, ang ginagawa natin ngayon is just like mass testing. ‘Yung ating mga vulnerable, ‘yung mga symptomatic ay tinetest na natin sa ngayon,”ayon kay Vergeire.

“Ngayon po ma’am, ang ating pina-prioritize ay mga symptomatic, severe cases, mga vulnerable population — matatanda with pre-existing conditions, buntis, health care workers na nagpapakita ng sintomas,” dagdag pa ng opisyal.

Habang ang mga asymptomatic, naman o yung mga taong hindi nagpapakita ng sintomas ng sakit ay minomonitor.

“Sa ngayon may sapat pa naman tayong supply ng mga test kits at patuloy ang gobyerno sa pag-procure nito para mapatatag natin ang ating capacity na magsagawa ng test kit,” ani Vergeire.

Kaya na rin umano ngayon ng RITM ng 1,000 test kada araw, mga sub -laboratories 200 at yung mga bagong umpisa ay 40 , kaya umaabot na rin ng 2,000 kada araw ang natatapos na resulta.

Samantala, handa na ring gamitin ang locally –made test kit ng University of the Philippines-Manila National Institutes of Health (UP-NIH).

Ang nasabing UP test kit ay kayang magsagawa ng hanggang 120,000 COVID testing at maaring lumabas ang resulta sa loob ng 2-oras.

“The test kit was previously approved by the FDA for field trial with gene sequencing on March 1-10, 2020. Upon the company’s submission of necessary requirements today, the FDA issued a certification for this COVID-19 test kit to be allowed for commercial use,” sabi ni Food and Drugs Administration (FDA) Director General Eric Domingo.

Nakagawa umano ng 1,300 test kits ang UP na pinondohan ng Department of Science and Technology at UP-NIH project na kayang magsagawa ng 26,000 test. Ito ay ipinamahagi na kahapon hanggang April 25 sa Philippine General Hospital, Manila ; Makati Medical Center; The Medical City Pasig City; Baguio General Hospital; , Vicente Sotto Memorial Medical Center, Cebu City at Southern Philippines Medical Center sa Davao City. (Juliet de Loza-Cudia)

Tonite – Wendys Inhouse Ad