Abante Tonite Interactive

Mass testing sa virus `di pa kakayanin ng DOH

582

Hindi pa kakayanin sa ngayon ng pamahalaan na magsagawa ng mass COVID-19 testing, ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Paliwanag ng opisyal, magagawa lamang ito kung may sapat nang COVID-19 test kit kung kaya’t prayoridad muna ang matatanda at mga pasyenteng nakitaan ng sintomas ng nasabing sakit.

Gayunman, sinabi ni Vergeiri na kasama ito sa mga contingency plan ng pamahalaan.

“Sa ngayon po, hindi pa naman nakikitang kailangan nating gawin itong mass testing na ito pero nasa taalaan, nasa mapa, nasa radar, na kung sakaling dumating ‘yung panahon, and if we have enough resources and the government can do it, and it is already imperative for the government to do it, gagawin po natin ‘yan kung saka-sakali,” ayon kay Vergeire.

Aminado si Vergeire na nahihirapan sa ngayon ang pamahalaan na tugunan ang pangangailangan sa test kit para sa COVID-19 subalit tiniyak nitong may paparating nang supply nito gayundin ang mga safety gear para sa mga health worker na nangangailangan ng proteksyon laban sa virus.