Abante Tonite Interactive

Mass transport dapat nang palakasin

1,447

Isang malawakang strike ang isasagawa ngayong araw ng iba’t ibang transport group bilang protesta sa nakaambang pag-phase out ng lumang mga pampasaherong mga jeepney sa bansa.

Karugtong ng gagawing protestang ito ng mga transport group ay ang pagkaparalisa ng ating mga kalsada.

Sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kabilang sa mga tsuper na lalahok sa tigil-pasada ay mula sa mga probinsya ng Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna.

Sa Metro Manila naman ay ang mga driver ng public utility vehicles na bumibiyahe sa Camanava hanggang Bagong Silang, Quezon City mula Novaliches, Commonwealth, Cubao at Project 3.

Ibig sabihin marami na naman tayong kababayang papasok sa trabaho at sa eskuwelahan ang maaapektuhan.

May solusyon namang inilatag sa planong ito ang gobyerno sa pamamagitan ng MMDA at ito ay ang pagkansela ng number ­coding ngayong araw pero para sa amin hindi ito sapat para ­matugunan ang pangangailangan ng mga kababayan nating ­maapektuhan ng transport strike.

Sa mga ganitong problema lumulutang ang panawagang palakasin na ang mass transport system sa bansa upang sa panahong magkaroon ng ganitong mga protesta ay hindi maaapektuhan ang ating mga kababayan.

Hangad namin ang pagbibigay-pansin ng gobyerno sa modernisasyon at pagsasaayos ng bulok na transport system sa bansa dahil ito lamang ang nakikita naming solusyon sa ganitong problema gayundin sa patuloy na paglala ng problema ng bansa sa trapiko.

Kapag naayos ang ating mass transport nakatitiyak tayong marami na ang tatangkilik sa mass transport at resulta nito ay mababawasan na ang mga bumibiyaheng mga sasakyan sa Metro Manila

Alam nating isa ang pagsasaayos sa mass transport sa mga ipinangako ng gobyernong Duterte kaya hangad natin ang kanilang pagtupad sa binitiwang pangako sa taumbayan.