Abante Tonite Interactive

Massacre sa boarding house, 3 bebot inatake

435

Patay ang magkapatid na babae at isa nilang kaibigan nang pagsasaksakin ng live-in partner ng isa sa mga biktima na lumusob sa boarding house Miyerkoles nang madaling-araw sa Davao City.

Pawang dead on-the-spot sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Jessa May at Jesybell Abitona, at kaibigan nilang si Caryl Jiff Silianon na nakitulog lang sa nasabing boarding house.

Bantay-sarado naman ng pulisya sa isang ospital ang suspek na si Daryl Aguilar, live-in partner ng biktimang si Jessa May, na nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili matapos ang krimen.

Sa inisyal na ulat ng Davao City Police Office, naganap ang insidente pasado ala-una ng madaling-araw nang sugurin ng suspek ang boarding house ng kinakasama sa Sunrise Village, Brgy. Matina.

Sa salaysay ng mga boardmate ng magkapatid, nakarinig na lang sila ng mga sigaw, malalakas na kalabog at paghingi ng tulong suba­lit sa takot ay hindi sila lumabas.

Ayon naman sa ‘di nagpatukoy na landlady, nag-chat pa mismo sa kanya ang suspek at inutusang tumawag ito ng pulis dahil napatay daw niya ang kanyang live-in partner at mga kasama sa kuwarto.

Nang papuntahinn ng landlady ang asawa sa kuwarto ng magkapatid ay tumambad na ang bangkay ng tatlong babae habang sugatan din ang suspek.

Mabilis namang rumesponde ang tinawagang pulis at nakuha sa pag-iingat ng suspek ang patalim na ginamit sa krimen at isang baril na nakalagay sa sling bag.

Sa ngayon ay patuloy na ina­alam ng pulisya ang motibo ng suspek sa pagpatay. (Edwin Balasa)