Abante Tonite Interactive

MASSACRE SUSPECTS INUUBOS!

99

Pinaniniwalaang iniisa-isa nang iligpit ang mga pinagsususpetsahang may kinalaman sa malagim na Bulacan massacre na pumatay sa limang katao kamakailan.

Unang itinumba ay ang suspek na si Ronaldo Pacinos, alyas Inggo, na pinagsasaksak at pinutulan pa ng ari at mga daliri kamakalawa.

Pangalawa ay ang isa pa sa pitong “Persons of Interests” (POIs) na si Roosevelt Surima, bayaw ng nakakulong na si Carmelino Ibanez y Navarro alyas Miling na itinumba sa loob mismo ng kanyang bahay kahapon.

At hindi umano malayong maging pangatlo­ ang isa pang POI na si Alvin Mabesa na sinasabing dinukot ng mga lala­king naka-bonnet noon pang Biyernes at hanggang ngayo’y nawawala pa rin.

Sa ulat, pasado alas-11:00 ng tanghali nang maganap ang pamamaslang kay Surima habang ito ay nagluluto ng tanghalian para sa kanyang pamilya.

Bigla na lamang umanong pumasok sa bahay ni Surima, na nasa tapat lamang ng bahay ng pamilyang minasaker, ang dalawang hindi nakilalang suspek na kapwa nakasuot ng face mask. Walang sabi-sabing pinagbabaril ng mga sala­rin si Surima bago umalis nang parang walang anumang nangyari.

Sinabi ng ina ni ­Surima na si Aling Rosario na naisugod pa nila sa ospital ang kanyang anak ngunit idineklara rin itong dead on arrival.

“Natatakot na po kami kasi may nagpara­ting na uubusin daw po ang buo naming pamil­ya.

Wala naman po ka­ming malilipatan para lumayo na. Saka bakit po ganu’n ang ginawa nila sa aking anak, wala naman po itong kasalanan sa krimen,” ayon pa kay Aling Rosario.

Nababahala na rin ang pamilya at kaanak ni Mabesa dahil hanggang ngayon ay wala ­silang balita kung nasaan na ito matapos umanong dukutin at isakay sa isang van.

Samantala, inihayag naman ni P/Chief Supt. Aaron N. Aquino, regional director ng Police Regional Office (PRO3), na posibleng sindikato ng droga ang nasa likod ng pamamaslang kina Pacinos at Surima bagama’t hindi naman umano inaalis ang posibilidad na ­pinatatahimik na ang mga sangkot sa masaker.

“Maaaring sindikato sa droga ang pumatay sa mga person of interest sa Bulacan massacre dahil sangkot sa drugs ang mga inanyayahan natin sa pulisya pero patuloy pa din naman ang malalimang imbistigasyon ng ating kapulisan sa kaso at nais nating maging case closed ito sa lalong madaling panahon,” ayon pa kay Aquino.