Abante Tonite Interactive

Mata dinukot, mukha binalatan

311

Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang lalaking sinasabing may diperensya sa pag-iisip matapos itong matagpuang binalatan ang mukha hanggang sa leeg, dinukot ang mga mata at hinila ang lalamunan kahapon ng umaga sa bayan ng Carmen, Cebu.

Sa ulat ng Carmen Municipal Police Station, alas-siyete ng umaga nang dumulog sa kanilang tanggapan ang isang magsasaka at ini-report ang natagpuang bangkay sa Brgy. Puente ng nabatid na bayan.

Sa inisyal na ulat, binalatan ang halos kabuuang mukha ng biktima hanggang leeg kung saan lumabas ang buto nito.

Bukod dito ay dinukot pa ang mga mata nito at tinanggalan ng lalamunan.
Napag-alaman din sa mga residente na ang biktima ay bigla na lang dumating sa kanilang barangay kamakailan at mula noon ay pagala-gala na sa lugar na kadalasan ay walang suot kundi brief lamang kung saan kadalasan ay kinakausap nito ang kanyang sarili.

Sa ngayon ay iniimbestigahan ng pulisya kung sino ang salarin.

Tinitignan din ng pulisya kung may kinalaman ang insidente sa kaparehong pagpatay sa Danao City noong nakaraang taon kung saan isang 17-anyos na dalagita din ang natagpuang patay, binalatan din ang mukha at hinugot din ang lalamunan. (Edwin Balasa)