Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Matapos ang 2 taon: Bata na dinukot ng mag-asawa sa Laguna, na-rescue

0 590

Nahaharap sa kasong kidnapping at paglabag sa Revised Penal Code ang isang mag-asawa sa Laguna matapos ariing anak ang isang bata.

Ayon sa pulisya, June 19, 2018 nang ipagkatiwala ni Nadjullah Rashid ang noo’y isang taong gulang niyang anak na si Alliah sa kanyang inang si Seda Sybil dahil nagtatrabaho sila ng kanyang asawa.

Kada 15 araw nilang binibisita si Alliah para sa mga pangangailangan nito.

Pero makalipas ang isang buwan, nalaman ni Rashid na hiniram ng suspek na si Charito Sause ang kanyang anak, na pinagkakautangan ng P7,000 ng kanyang ina.

Agad nagtungo si Rashid at kanyang misis sa bahay ni Sause sa Metroville Complex, San Francisco, Biñan City, Laguna pero ayaw nang ibalik ng suspek ang kanilang anak at sinisingil ang utang na P7,000 ng kanyang ina.

Wala raw noong pambayad si Rashid at pinuwersang pumirma ni Charito sa isang dokumento pero nang magkapera na ang una ay hindi pa rin ibinalik sa kanya ang anak dahil pag-aari na raw ni Charito ang bata matapos niyang gastusan sa ospital.

Binantaan pa si Rashid ni Charito na ipaaaresto kung patuloy na bibisitahin ang bata kaya naman nagdesisyon ang mag-asawang Rashid na umuwi na lang ng Visaya para makapag-ipon ng pera.

June 16, 2020 nagdesisyon si Rashid at kanyang pamilya na magbalik sa Biñan para bawiin ang kanyang anak pero nang makita raw sila ni Charito ay agad nitong itinago ang bata.

Dito na nila kinompronta ang suspek at sinabing magdedemanda kung hindi ibabalik ang kanilang anak pero hindi natinag si Charito.

Sa pamamagitan ng Facebook ay nag-demand pa si Charito ng P1 milyon sa mag-asawa kalapit ng kanilang anak.

Dito na pinayuhan si Rashid ng isang kaibigan na dumulog sa NBI-Lagdo.

June 26, 2020 ng 12 ng tanghali isinagawa ang rescue operation para kay Alliah sa bahay ng mag-asawang Eleser at Charito Sause sa Block 9, Lot 2, Phase 3, Metroville Complex pero wala silang dinatnang tao roon.

Isang oras ang nakalipas ay dumating na si Charito na agad kinompronta ng mga awtoridad.

Una ay giniit pa ni Charito na anak niya si Alliah pero bandang huli ay umamin din ito sa kinaroroonan ng bata, sa bahay ng kanyang tiyahin sa Southview Homes Subdivision, Pacita Complex II, Barangay San Vicente, San Pedro City, Laguna.

Doon nabawi si Alliah at naaresto si Charito. (IS)

Leave A Reply

Your email address will not be published.