Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Matinee idol nauna ang yabang

0 122

Literal na nabalagoong ang career ng isang tinitiliang matinee idol. Dahil sa kanyang kaguwapuhan ay maraming bagets ang humanga sa kanya kahit pa kapos naman siya sa talento kung tutuusin.

Mas kinagat ang karisma ng matinee idol nang maging magka-loveteam sila ng isang young actress na kalaunan ay naging karelasyon niya.

Pero nainip si matinee idol. Para sa kanya ay mabagal ang takbo ng kanyang career. Mas gusto niyang siya na lang ang magmando ng mga proyektong gagawin niya at aalalayan na lang siya ng isang manager.

Kuwento ng aming source, “Pero mula nu’ng umalis siya sa dating production na humahawak ng career niya, e, wala ring nangyari! Balagoong ang career niya!

“Ano ba ang pinagkakaabalahan niya ngayon? Natiyempo pa siya sa pandemya! Ano ang mangyayari sa career niya ngayon na parang pagong nga sa kabagalan!” unang sultada ng aming impormante.

Mapagmarunong pala kasi ang matinee idol na ito, kapag nagpupunta siya sa opisina ng management office niya, marami siyang mga planong gustong ipagawa sa mga ito.

Patuloy ng aming source, “Sobra kasi ang paniniwala ng matinee idol na ‘yun sa sarili niya! Para bang alam na alam niya na ang lahat, e, wala nga siyang kaalam-alam tungkol sa pagpapatakbo ng career niya!

“Mula sa isang reality show, e, ipinakete lang naman siya nang bonggang-bongga ng unang nag-alaga sa kanya. Napansin siya ng publiko, binigyan ng magagandang projects, mabagal pa ba ang ganu’ng atake na ginawa ng manager niya?

“Nainip nga siya, kumawala sa unang mga taong tumulong sa kanya, para pa siyang nagmamalaki, nasilipan tuloy siya ng kawalan ng utang na loob.

“Kumusta naman siya ngayon? Mabilis na ba ang takbo ng career niya? Very busy ba siya ngayon sa maraming projects na ipinagmamalaki niya?

“Wala! Bantilawan ang career niya, super-bagal ang galaw, kasi naman! Nauna ang kanyang yabang!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Rustom sumuko sa laban

Naglagutukan ang mga buto sa buong katawan ni Rustom Padilla sa hindi niya inaasahang pagngangalit ng publiko lalo na ng mga miyembro ng LGBTQ na humusga, kumuwestiyon at tumawag sa kanyang ilusyunada dahil sa mga rebelasyon niya tungkol kay Piolo Pascual.

Akala siguro ni Rustom ay makakaya niyang paniwalain ang lahat ng tao sa lahat ng pagkakataon. Pero sumpa ng mga sumpa! Sa kanyang mukha mismo bumalandra ang kanyang mga kadramahang siya lang naman ang naniniwala.

Umurong na sa laban si Rustom. Ipagpapatuloy pa rin daw niya ang kanyang mga rebelasyon sa YouTube, pero hindi na ‘yun para sa lahat, eksklusibo na ang gagawin niyang atake. Pero may bayad.

May membership fee na ang pagtutok sa kanyang YouTube vlog, humihingi siya ng tulong ngayon sa kanyang mga tagasuporta na ipagpatuloy ang pagtutok sa kanya, pero may kailangan silang bayaran para maging regular silang viewer ng mga kadramahan ni Rustom Padilla.

Pinabulaanan niya ang komento ng mas nakararami na kaya lang daw niya isinasangkot sa kanyang vlog ang mga sikat na personalidad ay para tumaas ang kanyang views. Wala raw katotohanan ‘yun.

Kaya para patunayan niyang walang katotohanan ‘yun ay hindi na para sa malayang publiko ang magiging paraan niya, by membership na lang daw, kailangang magbayad ang tututok sa kanya nang 199-299$.

Umaaringking pa hanggang ngayon ang katawan ng dating aktor na transgender na ngayon dahil sa masasakit na salitang ikinukulapol sa kanya sa social media.

‘Yun ang dahilan kung bakit may exclusivity na ang pagtutok sa kanya. Sa mga panahong ito nga naman ng pandemya ay para-paraan lang ang kailangan.

Sabi ni prop, “Aling Pacing, bulok na ang saging!”

Leave A Reply

Your email address will not be published.