Abante Tonite Interactive

Matinong kalye sa QC winawasak

247

Aksyon Lady

Hindi nga ba’t aligaga ang gobyerno sa paghahanap ng solusyon para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila pero kataka-takang may ilang kinukumpuning kalsada na wala namang sira.

Ang tinutukoy natin ay ang ilang bahagi ng Quirino Highway sa Quezon City na halos ilang buwan pa lang nagagawa ay sinisira ngayon para muling ayusin.

Anong klaseng trabaho naman ‘yan ng kontratista ng gobyerno.

Malinaw na pag-aaksaya yan ng pondo ng bayan. Katino-tinong kalye sisirain agad.

Dapat imbestiga-han ang nasa likod ng proyektong ito at parusahan kung kinakailangan para hindi maging ehemplo sa ginagawa nilang kabulastugan.
Hangad nating matutukan ng DPWH at local government ang bulok na istilong ito.

***

Sa kabilang dako nais nating bigyang pansin ang pagpapatuloy ng karera sa pagka-Speaker.

Nakakalito lamang ang mga pangyayari dahil hindi bat inendorso na ni Presidente Rodrigo Duterte ang 15/21 term-sharing sa pagitan nina Taguig Rep. Alan Peter Ca-yetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.

Pero may mga sabi-sabi na hindi pa masisiguro ang mangyayari sa plenaryo ng Kamara sa pagbubukas ng 18th Congress sa July 22.

Sa isang text ni Davao City Rep. Paolo Duterte sa mga repor-ter kamakailan lang, nagtataka siya kung bakit pinaghahati-hatian na agad ang mga komite gayong hindi pa naihahalal ang speaker.

Hindi lang yan dahil nagsalita rin maging ang alter ego ni Digong na si Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Ani Panelo, ang mga kongresista pa rin daw ang magdedesisyon sa kung sino ang kanilang magiging speaker dahil nagbigay lang naman daw ng suggestion ang Pangulo nang lapitan ito ng ilang aspirante sa posisyon.

Kung ganito ang pananaw ng ilang malapit sa Pangulo, hindi kaya konektado ito sa aksyon ni Cong. Ca-yetano na patuloy na panliligaw

sa kanyang mga kapwa kongresista?

At isa nga sa ating narinig na alok daw ni Cong. Alan Peter ay term extension o no term limit o 5 years/3-term limit .

Hala ano ito pampatakam? Wag naman sana dahil ayaw ng taumbayan ng mga politikong kapit-tuko sa puwesto.