Abante Tonite Interactive

Matiwasay na buhay-OFW at pamilya

317

Hindi biro ang magtrabaho sa ibang bansa lalo na kung may pa­milyang maiiwan dito sa Pinas.

Plano sa pag-alis at pagdating. May dahilan kung bakit kailangang maghanap-buhay sa ibang bansa at dapat nakalapat ang rason na ito sa buong pamilya.

Dapat ding palagay-loob ang maiiwan at ang aalis upang makapag-concentrate nang maa­yos sa kanilang mga responsibilidad kahit magkalayo.

Kailangang magkaroon ng plano sa pag-uwi ng OFW – at hindi lang isang malaking handaan.

Ang pera ay dapat may paglaanan at hindi sa luho. Tandaan hindi rin tamang maging OFW habambuhay.

Huwag maging pabigat. Hindi dapat maging pabigat ang pamilyang naiwan at magkaroon ng konsi­derasyon sa nagtatrabaho abroad. Iwasang manghingi nang manghingi dahil pinaghihirapan nang husto ang pera bago makuha.

Sa mga bata dapat mag-aral nang mabuti. Sa asawa gawin ang res­ponsibilidad bilang isang ina sa pamilya.

Sa mga OFW, dapat magtrabahong maigi dahil malaking oportunidad ang ma­ngibang bayan. Huwag haluan ng kalokohan ang pagpunta sa ibang bansa.

Mag-ipon. Abroad ka man o nandito, kahit paunti-unti’y mag-ipon. Ang konting pera ay lumalaki sa paglipas ng panahon.

Kahit maliit ang pe­rang dumarating ga­ling abroad, siguraduhing may naitatabi. Sa OFW, huwag ipadala lahat ng kita sa Pinas. Magtabi ng pang-ipon ma­liban sa daily expenses.

Mag-invest. Investment para sa edukasyon ng mga bata, kalusugan ng pamil­ya, o magkaroon ng sariling bahay.

Sa negosyo, kahit kakarampot ang kita ipunin ito at paglaon ay magtayo ng munting negosyo – mag-samalamig na patok ngayon, magbenta ng meryenda, o mga gamit na puwedeng makatulong sa pagpapalaki ng kita ng pera ng pamilya. Ang pe­rang pinaghirapan ng OFW ay hindi dapat ilaan sa gastusin.