Abante Tonite Interactive

Maute-ISIS member hinatulan sa paglusob sa Marawi

212

Isa pang akusado sa nangyaring pag-atake sa Marawi City noong 2017 ang hinatulan ng guilty sa kasong rebelyon at paglabag sa Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes against International Humanitarian Law.

Sa desisyon na ibinaba ngayong araw ng Taguig Regional Trial Court Branch 70, hinatu­lan ang akusadong si Junaid Awal na aktibo umanong miyembro ng Maute-ISIS group. Kasama umano ito sa paglusob sa Marawi City.

Sinentensyahan ito ng reclusion perpetua o pagkabilanggo ng hanggang 40 taon para sa kasong paglabag sa International Humanitarian Law, at hanggang 14 na taong pagkabilanggo para sa kasong rebelyon.

Binigyan ng bigat ng korte ang testimonya ng dalawa sa mga testigo ng prosekusyon na naging hostage ng 5-buwan noong kasagsagan ng Marawi seige.

Nakita raw nila si Awal na kasamang nakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan at ginawa pa umanong sex slave ni Awal ang isa sa mga testigo.