Abante Tonite Interactive

Mawawalan ng trabaho lolobo

0 369

Mainit na usapin ngayon ang bantang pagpapasara sa ABS-CBN dahil bukod sa pagpigil sa press freedom, nanganganib din na dumami ang mga tambay sa kalsada dahil mahigit sa 6,000 empleyado ng network ang tatamaan ng hakbang na ito.

Naku, patay tayo diyan dahil ‘pag nagkataon eh baka magsiksikan ang mga kulungan dahil ‘di ba nga ay may direktiba rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga awtoridad na paigtingin ang pang­huhuli sa mga tambay?

Potential troublemaker daw kasi ang mga tambay. Susme, porke nawalan ng trabaho dahil sa perso­nal na galit eh magi­ging pasaway na?

Kahit nga si Louie Montemar, ang convenor ng Bantay Konsyumer, Kuryente, Kalsada (BK3) ay naaalarma rin dahil posible rin daw itong maging banta sa libu-libong konsyumer.

“Kung tutuusin ang mga pamilyang maaring tamaan ay hindi bababa sa mahigit 60,000 tao na direktang apektado. Ito ay isang malubhang usaping pang­kabuhayan at pang-ekonomiya,” paliwanag niya.

Sabi pa niya, maraming kapita­lista ang matatakot na mamuhunan dahil walang katiyakan kung tutubo o ba­balik man lang ang kanilang kapital.

Kasi nga, nasa­santabi raw ang mga regulasyon dahil lang sa personal na desisyon ng nakaupo laban sa tinuturing nitong kalaban.

Kaya mahalaga raw na mahadlangan ang hakbang na ito ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsuporta sa panawagan ng mga empleyado ng ABS-CBN at milyon-milyong tagapagtangkilik nito na bumubuhay sa industriya.

Ayon pa sa grupo, dapat ipakita ng publiko ang suporta sa ABS-CBN at ipaabot sa liderato ng administrasyon na tutol ang mas nakararami sa hindi makatarungang pang-aabuso sa kapangyarihan ng gobyerno.

“Ipaglaban ang malayang pamamahayag! Trabaho lang at hindi paghihiganti!” dagdag pa ni Montenar.