Abante Tonite Interactive

May-ari ng 55 tinapon na baboy sa Marikina river mananagot

311

Pananagutin ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang mga taong responsable sa pagtatapon ng mga patay na baboy na pinaniniwalaang tinamaan ng African Swine Fever (ASF) sa Marikina river.

Napag-alaman na mula Huwebes nang umaga hanggang kahapon ng hapon ay umaabot na sa 55 mga patay na baboy ang nakuha ng Marikina City Veterinary Service Office (VSO) sa kahabaan ng Marikina river.

Agad naman nilang inilibing ang mga nakukuhang patay na baboy upang hindi na makahawa pa ng anumang sakit base na rin sa abiso ng Department of Agriculture (DA).

Samantala, pinaniniwalaan namang galing ang mga patay na baboy na ipinaanod sa ilog sa bayan ng Rizal partikular sa Rodriguez at San Mateo dahil wala namang piggery o slaughter house sa lungsod ng Marikina kaya patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil dito.

“Para hindi na maulit, dapat ay may managot. Dapat proper disposal. Hindi puwedeng walang mananagot, dapat may managot”, saad ni Mayor Teodoro.

“May proper disposal na dapat sundin para walang possible contamination”, dagdag pa ng alkalde.

Samantala, nakipag-coordinate na si Dr. Manuel Carlos, hepe ng VSO ng Marikina City sa Bureau of Animal Industry (BAI) para kumuha ng mga blood sample sa mga nakuhang patay na baboy upang isailalim sa pagsusuri.

“We are checking if may river contamination. We are checking the water quality para mapangalagaan ang well-being ng Marikina residents”, pahayag pa ni Teodoro. (Edwin Balasa)