Abante Tonite
Mabilis sa Balita

May dapat bang katakutan sa tinapos na kasunduan?

0 144

Mainit na isyu ngayon ang matinding pagtutol ng mga mag-aaral at ilang opisyal ng University of the Philippines (UP) sa naging desisyon ng Department of National Defense (DND) na tuldukan na ang kasunduan sa unibersidad na nagbabawal sa pagpasok ng militar at pulis sa kanilang campuses.

Ang 30 taong kasunduan na nagsimula sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino ay mawawalan na ng bisa na mangangahulugang makakapasok na ang mga otoridad sa mga campuses ng UP.

Gaya ng dapat asahan, agad na tinutulan at inalmahan ito ng maraming estudyante at alumni ng UP dahil sa pangambang maabuso umano ang kanilang academic freedom.

Kung tutuusin, sobra-sobra ang tinatamasang freedom o kalayaan ng mga estudyante hindi lamang sa UP kundi sa iba pang mga kolehiyo at unibersidad simula matuldukan ang rehimeng Marcos at sa tingin ng maraming mga magulang na may mga nag-aaral na mga anak, napasobra ng husto ang kalayaan at demokrasya sa bansa.

May mga ibang unibersidad hindi lamang sa UP ang may sobra -sobrang kalayaan dahil walang naninitang mga otoridad sa mga ito kaya naman malayang nakakapasok ang mga propagandista at mga aktibista para mag-recruit ng mga bagong estudyante para isama sa kanilang kilusan.

May isang unibersidad sa Maynila na dahil sa pagiging sobrang maluwag ay walang kahirap-hirap ang mga galamay ng mga kalaban ng gobyerno na makapasok sa loob ng campus at lantaran ang panghihimok sa mga estudyante na sumama sa kanilang grupo at mayroong napapaniwala ang mga ito lalo na yang mga bagong saltang estudyante sa lungsod na kailangan ng grupong masandigan.

Aminin man o hindi, batid ng mga opisyal ng unibersidad ang mga ganitong aktibidad subalit tila bulag at walang nakikitang kakaiba ang mga ito.

Related Posts

Huwag kalimutan

Idol

SM food to go Banner Ad

Para saan ba ang institusyong pinapasukan ng mga estudyante? Hindi nga ba’t ang layunin ay para mag-aral upang paghandaan ang kinabukasan? Pero bakit may mga estudyanteng halos ibagsak na ang mga academic subjects pero pumapasok hindi para makabawi sa asignatura kundi para lamang makasama ang mga “kasama” sa grupong sinalihan.

Malaya nilang nagagawa ang gusto at malaya ring nalalason ang kanilang isipan laban sa gobyerno dahil walang naninita at nagbabantay sa kanilang ginagawa.

Ngayong natuldukan na ang tatlong dekadang kasunduan, wala ng magiging balakid pa para gawin ng gobyerno ang inaakalang aksiyon para supilin ang nasobrahang kalayaan at nasobrahang demokrasya.

Ang mga umaalmang estudyante ay paaral ng gobyerno, pera ng taongbayan ang ipinantutustos sa kanilang pag-aaral pero sila pa ang unang kumalakalaban sa pamahalaan dahil nalason na ang kanilang isipan ng mga galamay ng kalaban.

Kung wala namang masamang ginagawa at itinatago sa batas bakit kailangang almahan ang aksiyon ng gobyerno kung ito ang magliligtas sa posibleng kapahamakan ng maraming mga estudyante.

Sa totoo lang, hindi lahat ng pumapasok sa isang unibersidad ay mga estudyante. Nakahalo na diyan ang mga galamay ng kalaban kaya napapanahon na siguro para tuluyang putulin ang ganitong sistema.

Marami ang nagagalit sa DND, pero marami rin ang mga magulang na sumusuporta sa ginawa ni Secretary Lorenzana lalo na yaong mga magulang na nawalan ng anak dahil na-recruit na maging aktibista at tuluyang tinalikuran ang pamilya.

Umaasa ang mga “naulilang” magulang na sa pagtatapos ng kasunduan sa UP ay matutuldukan na rin ang recruitment at panlilinlang sa mga kabataang estudyante na kalaunan ay nagiging rebelde at naging kalaban na ng gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.