Abante Tonite
Mabilis sa Balita

May dapat ipaglaban ang mga taga-Malabang, Lanao del Sur

0 98

Maraming kandidatong tumitiklop kapag naiproklama na ang kalaban. Ang dahilan alam nilang pader na ang kanilang binabangga at anumang paghahabol ay mahirap nang ipaglaban lalo na kung wala naman silang masyadong pondo para gastusin sa pagtakbo ng kaso.

Pero para sa natalong Malabang, Lanao del Sur mayoralty candidate Al Rashid Macapodi, kailangan niyang makipaglaban para lumabas ang katotohanan sa nangyaring karahasan sa nagdaang halalan sa kanilang lugar. Higit sa lahat, kailangan niyang makipaglaban para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang dalawang supporters.

Lumapit na nga si Macapodi kay CIDG PMAJGEN Eliseo Cruz para paimbestigahan ang nangyaring pagpatay sa kanyang dalawang supporters noong huling eleksyon. Sa naturang insidente, maraming tao ang nasugatan dahil sa inihasik na karahasan ng supporters ng kanyang nakatunggali.

Sa paglapit ni Macapodi kay MAJGEN Cruz, binanggit nito ang madugong eleksyon na nangyari sa kanyang bayan sa Malabang. Bago mag-eleksyon, isinailalim ang Malabang sa Comelec control pero nakakalungkot nakakalungkot dahil mistulang wala rin namang naging kontrol ang Comelec sa sitwasyon dahil sa mga polling precincts pa mismo naganap ang mga karahasan.
Sinabi ni Macapodi na kahit isinailalim sa Comelec control ang kanilang lugar, kakarampot lamang ang pulis at Marines na itinalaga. At may mga nagbabantay pa na wala namang name plates kaya hindi nila alam kung lehitimo ba ang mga ito o pakalat ng kanilang kalaban.

Sa nangyaring karahasan, dalawang supporters ni Macapodi ang pinatay kung saan nakita pa sa CCTV footage na galing mismo sa loob ng gate ng eskuwelahan na siyang presinto elektoral ang bumaril. Nahagip ng CCTV ang kalahati ng baril na ginamit sa krimen pero hindi nakita kung sino ang may hawak ng baril.

Bukod sa napatay na 2 supporter, may isa pang lalaking supporter si Macapodi na kinuyog at pinagtulungang bugbugin ng sampung goons ng kalabang kandidato na si Mayor Dagar Balindong. Nangyari rin ito sa loob mismo ng polling precinct. Harap-harapan daw ito at nakita mismo ng mga nagbabantay na pulis at sundalo pero walang kumilos sa mga ito para awatin ang gulo.
Sa gitna ng karahasang nangyari, hindi naman kataka-takang matakot nang bumoto ang mga supporters ni Macapodi. Umiwas na silang madamay sa gulo lalo’t nakita nilang nakakalat ang mga armadong supporters ni Balindong. Winasak pa raw ang mga balota ng mga bumoto kay Macapodi upang hindi mabilang samantalang ang mga balotang hindi nagamit ay kinuha at sila-sila ang nag-fill up.

Sa ngayon ay mahigit dalawang buwan nang ang nakakaraan matapos ang eleksyon pero wala pa ring nangyayari sa paghahanap ni Macapodi ng hustisya. Nananatiling aktibo at hindi na-relieve sa puwesto ang hepe ng Malabang Police at ang mga pulis na tauhan nito pati ang mga Marines na naka-duty nang maganap ang karahasan.

Ayon kay Macapodi na nag-file siya ng election protest at hiniling sa Comelec na ideklara ang failure of elections sa Malabang. Hiniling din nito na ipawalang bisa ang proklamasyon ni Balindong dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi naging parehas ang botohan sa kanilang bayan.

Pero nakakabingi ang katahimikan sa ipinaglalaban ni Macapodi. Walang nangyayari sa kanyang apela.

Hindi naman kami nagtataka dahil masasabi nating malayo sa kabihasnan ang bayan ni Macapodi. Hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ng nakararaming mamamayan. Nakakalungkot lamang kung tuluyang pabayaan ng Comelec ang apela ni Macapodi dahil mangangahulugan itong may mga lugar na nangingibabaw pa rin ang karahasan at dayaan. At nababalewala ang tunay na kagustuhan ng taumbayan.

Ngayong lumapit na kay CIDG PMAJGEN Ely Cruz si Macapodi, puwede na siguro nating isipin na sa wakas ay mararating na ang apela ni Macapodi. Naniniwala kaming may pag-asa nang lumabas ang katotohanan at maibigay ang katarungang hinahabol ni Macapodi para sa kanyang bayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.