Abante Tonite Interactive

May gamot ba sa stress?

0 259

Kamakailan ay may nakausap tayong tagasubaybay natin at ang tanong niya ay “ano po ang pinakamagandang gamot para mawala ang stress?” Madalas kong biro ay mabuti na may stress kayo sa buhay dahil si­gurado kayong buhay kayo, dahil kung wala, malamang iba na ang mga nase-stress para sa inyo dahil nakabaon na kayo sa lupa. Sa totoo lang, hindi naman stress ang tunay na nagbibigay ng problema sa atin. Ang talagang salarin ay kung papaano natin nararamdaman ang mga ito at kung ano ang ginagawa natin para dito. Kaakibat ng stress ay ang mga problema. Mapaproblema sa trabaho, sa pamilya, sa bahay, sa kapitbahay, saan man o kung sino man.

Paminsan nakapagtataka, may mga taong napakabigat ng problema, ngunit nakukuha pang ngumiti. Mayroon naman, kung tutuusin, parang walang kuwenta ang problema, pero para sa ibang indibidwal ay parang maglalaho na sa mundo ang pakiramdam. Ang pagdama ng problema ang mas kinakailangang bigyan ng pansin. Ang mundo natin ay palaging nagbabago, tayo sa ating pangkatauhan ay nagbabago rin. Base sa ating mga nakalipas at mga karanasan.

Pinakamagandang maki­ta kung ano ang mabuti sa isang tao o bagay, bago pa isipin ang masama, para mas kagaanan natin ng loob.

May mga iba rin naman tayong puwedeng gawin para mabawasan ang stress sa ating buhay. Ang una ay kumain nang tama (madaming gulay at prutas), tamang pagkain sa tamang oras. Sumunod ay iwasan ang mga bisyo, sigarilyo, alak, at lalong-lalo na ang bawal na droga. Magkaroon ng hobby, kung ano ang hilig. Mapa-gardening, pananahi, tumugtog ng instrumentong pangmusiko, o ‘di kaya mag-drawing o painting. Mas maganda kung maisusulat ang lahat ng ito sa isang diary o journal. Kinakaila­ngan din na makapagpahinga, makakuha ng sapat na tulog para ma-recharge ang katawan natin. Isang maganda ring gawin ay tumawa. Ika nga, ‘laughter is the best meducine’. Kahit puwersahan, hehehe. Napapagaan kasi ng pagtawa ang mental load natin. Mag-joke time o manood ng komedya. Kumonekta sa ibang tao. Ang ugali kasi ng isang na-stress ay ilayo ang sarili sa iba. Mai­nam na makipag-usap sa mga kaibigan, kamag-anak, at kung talagang kailangan, sa isang propesyonal o counselor. O ‘di kaya magbakasyon tayo nang maiba ang regular na gawaing pang-araw-araw.

Alalahanin natin na tayo ang pinakaimportanteng tao sa ating buhay. Huwag natin i­dagdag ang mental stress sa physical stress ng ating katawan. Gusto natin na tumagal tayo hindi lang para sa atin, kundi para sa mga mahal natin sa buhay kaya iwasto natin ang ating pag-iisip.
Hanggang sa susunod na Huwebes.

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay mata­tagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, tele­bisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kaka­bilib sa DWIZ882 tuwing Linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.