Abante Tonite Interactive

May good news ang DFA sa mga kababayang nasa malayong probinsya

By
367

Kasabay ng paglu­lunsad ng 10 taong validity ng mga pasaporte simula noong Enero, isa na namang magandang balita ang inihayag ni Secretary Alan Peter Cayetano ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga kababayan natin na naninirahan sa malalayong lalawigan.

Dalawa kasing regional consular office ang bubuksan ng DFA ngayong buwan sa Ilocos Norte at Isabela na tiyak na malaking kaluwagan sa problema sa passport appointment.

Sa Lunes, Mayo 8 ang pormal na pagbubukas ng consular office ng DFA sa Robinsons Place sa San Nicolas, Ilocos Norte at susundan naman ito sa Robinsons Place pa rin sa Santiago, Isabela sa Mayo 15.

Marahil naman ay mababawasan na ang reklamo ng ating mga kababayan dahil accessible o madaling puntahan ang nasabing shopping mall para sa transaksyon nila sa DFA, partikular na ang pagkuha ng appointment para sa kanilang pasaporte.

Bukas ang ating mga regional consular office simula Lunes hanggang Sabado kaya less worries ang ating mga kababa­yan in case na may iba pa silang aasikasuhin pag weekdays.

Nauna nang nagbukas ng consular office ang DFA Tacloban sa Robinsons Mall North Abucay noong Abril 21 kaya talaga namang hayahay ang ating mga kababayan sa pag-aayos ng kanilang mga travel document sa ahensya.

At hindi lang po yan, apat na truck para sa mobile passport processing o “passport-on-wheels” ang ipakakalat ng DFA sa iba’t ibang lugar para sa agarang paghahatid ng mga kailangang consular services ng ating mga kababayan.

Kaya mula 9,000, inaasahang magiging 15,000 pasaporte ang kayang i-proseso ng DFA bawat araw.

Dagdag pa ni Sec. Ca­yetano, nagbukas din ang DFA ng mga karagdagang slots online para sa passport appointment mula buwan ng Enero.

Paliwanag ni Ca­yetano, hanggang tatlong buwan lang muna ang binubuksan ng ahensiya habang ina­ayos ang isang e-payment system at sinasala ang mga pekeng appointment.

Nauna nang tinanggal ang dating sistema ng pagbibigay ng slots para sa travel agencies at hinihikayat pa ni Secretary Allan Peter ang mga aplikante na isumbong ang magbebenta pa ng appointment.

Paalala ni Cayetano, kabilang ang mga overseas Filipino workers (OFW) na may dalang katibayan sa mga puwedeng mag-walk in, bukod pa sa mga senior citizen, at persons with disability.

Nagpasalamat naman si Sec. Cayetano sa pamunuan ng Robinsons dahil libre at walang bayad ang mga consular office na inilagay sa nasabing establisamyento.

Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary for Consular Affairs Frank Cimafranca na tumaas ng halos 20 percent ang passport production ng DFA noong nakaraang taon kumpara sa 1.89 percent noong 2016 at .054 percent noong 2015.

Dahil sa taas ng demand sa ina-apply na pasaporte kung kaya’t nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 45 na nagbibigay-kapangya­rihan sa DFA na magbukas ng karagdagang mga consular office sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sana ay magtuloy-tuloy ang magandang kaganapan na ito sa DFA para naman iwas stress ang ating mga kababayan sa ­pagkuha pa lang ng ­passport appointment.

At dahil dito, ­winner ang DFA at ang ­administrasyong Duterte sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan.