Abante Tonite Interactive

May hawak na deed of absolute sale

By
507

Dear Attorney Claire,

Ako po si Joshua. Nagkaroon po ako ng problema tungkol sa isang bahay/puwesto na nakuha ko bilang sangla sa halagang 200k. Meron po ka­ming pinirmahang kasulatan at kasunduan ng magkabilang panig at notaryado sa munisipyo.

Kasama nito ay may hawak na din akong kopya ng deed of absolute sale since hindi pa titulado pero may rights na ang bahay. ‘Yung harap ng kabuang bahay lamang ang isinangla sa akin.

Ngayon habang ipapaayos ko po sana ‘yung pupwestuhan ng aking magiging negosyo ay big­lang sumugod doon ang kapatid nu’ng nagsangla sa akin at pinapatigil ang pagpapagawa ko at doon ko palang din po nalaman na nakasangla pa pala ang naturang buong bahay ng 600k sa ibang tao.

‘Yung nagsangla sa akin na si Marjorie ay kapatid lamang po ng totoong may-ari, nakapangalan ang bahay.

Ayon sa kanyang pagkakakuwento sa akin ay walang problema ang bahay at hindi niya alam na nakasangla pa ito sa ibang tao. Ano po ba ang mga dapat kong gawin Attorney? hangad ko lang ay mabawi ko ‘yung pe­rang naibigay ko.

Hangad ko po ang agaran ninyo pong tugon.

Maraming salamat po,

Joshua

Joshua,

Tama ba ang pagkakaintindi ko ay ang bahay ang may Deed of Sale? Pero ang sabi mo ay nakasanla rin pala ito sa iba nang hindi mo alam.

Unang tanong ko ay sino ang pumirma sa Deed of Sale? Ang pumirma ba sa sang­laan ninyo ay may authority mula sa tunay na may-ari?

Kung makakakuha ka ng Special Power of Attorney (SPA) na nagbibigay ng kapangyarihan kay Marjorie o kaya ay sinasang-ayunan ng tunay na may-ari ang sanglaan ninyo at ang bentahan ay nasasabi ko na mas may karapatan ka kaysa sa ibang humahabol lalo pa at ikaw ang lumalabas na unang nakaposisyon dahil sa sinisimulan mo na ang pagpapagawa sana ng puwesto mo.

Kung tunay ka naman na “naloko” dahil sa ang kausap mo pala na si Marjorie ay wala namang kapangyarihan na makipagtransakyon sa iyo tungkol sa ari-arian ay maaari mo siyang kasuhan ng Estafa o panloloko na may kasamang prayer for damages.

Kumpletuhin mo muna ang lahat ng dokumento para malaman mo kung hangaang saan mo ba mailalaban ang iyong karapatan at kung ano ba talaga ang ikakaso natin.

Mas mainam na makausap mo rin ang tunay na may-ari upang malaman mo kung ano ba ang tunay na papel ni Marjorie.
Sa mga katulad mo na tumatanggap at pumapasok sa ganitong transaksyon ay dapat alamin muna lahat ng dokumento at makipag-usap lamang sa may-ari o sa kanyang authorized representative na may hawak ng SPA.

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com