Abante Tonite
Mabilis sa Balita

May himala

0 324

Bakit nga ba mga tropapips na tuwing may ginagawang magic, este pagbabago ang Department of Health sa paraan ng paglalabas nila ng impormasyon tungkol sa datos ng mga tinamaan ng COVID-19 eh tila mas marami ang napapataas ng kilay sa halip na maniwala?

Siyempre bago ‘yan mga mars, alam n’yo bang puwede kayong makapaunta pa sa planetang Mars? Pero pangalan nyo nga lang. Mangyayari ‘yan kapag pumasa ang pangalan nyo na isusumite sa National Aeronautics Space Administration (NASA).

Nagkaroon na ng unang batch ng mga pangalan na dinala ng space mission sa Mars kamakailan. Dahil sa dami ng nagpadala raw ng pangalan, gagawin nila uli ito sa susunod na biyahe nila sa Red Planet.

Baka naman puwedeng maglagay doon ng quarantine facility at magsama sila ng mga mild o walang sintomas ng taong may COVID. At kapag nandoon na, tingnan nila kung gaano kabilis gagaling o kung lalala kaya ang pasyente. Kung madaling gumaling sa Mars, aba’y biyahe na.

Kung kakailanganging magdala ng COVID positive sa Mars at maghahanap ng magboboluntarya ang NASA, malamang na una uli ang mga Pinoy. Alam nyo ba mga tropapips na nanguna ang mga Pinoy sa mga bansang nagpadala ng kanilang pangalan na dadalhin sa Mars? Ayaw na ba nila sa Pilipinas o sa earth at gusto na nilang mangibang-mundo? Baka nakakalimutan nila na bawal pa ang leisure trip ngayong panahon ng pandemic kaya hinay-hinay lang.

At gaya ng inaasahan natin, GCQ pa rin o general community quarantine ang Metro Manila. Kung tutuusin, masuwerte pa rin tayo sa GCQ dahil MECQ o mas mahigpit na modified enhanced community quarantine ang inirerekomenda ng mga eksperto dahil nga sa walang humpay pa rin ang pagdami ng mga nahahawahan ng virus.

Ang matindi, nang lumitaw na mas marami na ang kaso natin ng COVID positive kaysa sa China [na magulang dahil tumigil sa pagbibilang], biglang nang-anunsyo ng “himala” ang Department of Heath sa one day bigtime na “gumaling” sa virus na mahigit 38,000.

Dahil sa dami ng recovery, natural na malaki ang nabawas sa “active” cases na dating isa sa pinakamataas sa Asya. Pero gaya ng dati, sa halip na matuwa ang mga tao, aba’y nanlaki ang mata sa kalituhan. Ang ilan mambabatas nga, iniisip na nagkakalokohan na sa datos ng COVID-19.

Pero paliwanag ng DOH, hindi kalokohan at walang daya sa inilabas nilang mahigit 38,000 na gumaling dahil ito raw ay mga COVID positive patient na walang sintomas o mild ang tama ng virus. Ginagawa rin daw ng ibang bansa ang naturang sistema na hindi na hinihintay na mag-negative sa swab test ang naturang pasyente at hahayaan lang silang makapag-quarantine ng hanggang 14 araw.

Iyon nga lang, kung hindi na sila ipapa-swab test at hahayaan na lang na lumabas ng quarantine facility, anong garantiya kaya na hindi na sila makakahawa? Sabi ng ilang mambabatas, ang panawagan ng mga tao eh mass testing o maramihang test sa mga tao para malaman ang mga may virus, pero ang nangyari eh mass recovery.

Pero isang araw matapos ibida ang pambihirang 38,000 na gumaling, ang sumunod na iniulat ng DOH eh 165 na lang ang gumaling, at ang mga bagong kaso ng COVID naman eh pinakamataas na bilang naman sa isang araw na mahigit 4,000.

Sa panahon ngayon na pagod na pagod na at nauumay na ang mga tao sa masamang balita ng COVID-19, ano kaya ang puwedeng gawin ng DOH para makagawa sila ng paraan na hindi na pagdududahan ng mga tao ang kaniyang datos? Tanong ng isa nating kurimaw, gusto raw ni Health Secretary Francisco Duque III na pumunta sa Mars? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.